PAGBATI SA IKA-12 ANIBERSARYO NG PILIPINO MIRROR

SA TAONG ito ay ipinagdiriwang natin sa PILIPINO Mirror ang ating ika-12 anibersaryo.

Mahalaga ang milestone na ito sapagkat espesyal ang numerong 12. Mayroong 12 pulgada ang isang talampakan, may 12 oras ang relo, may 12 buwan sa isang taon, may 12 disipulo si Hesus, may 12 tribo ang Israel, ang Chinese zodiac ay mayroong 12-year cycle, at marami pang iba.

Makikita rito na ginagamit ang numerong 12 upang magsaayos ng mga bagay-bagay upang mabuo ang isang bagay, kagaya ng taon o cycle. Maaaring sabihin na ang numerong ito ay sumisimbolo sa pagiging balanse at buo ng isang bagay. Sa ating pagdiriwang ng ika-12 anibersaryo, nawa’y narating natin ang kabuuang ito at nakamit din ang pagiging balanse ng ating pananaw, pagbabahagi, at pamamahayag.

Nais kong batiin ang aking mga kasama sa PILIPINO Mirror ng Maligayang Anibersaryo! Sana ay magpatuloy tayong lahat sa makabuluhan at makataong pamamahayag. Pagbati rin sa ating mga mambabasa at mga kasangga—kung wala kayo ay wala rin kami. Maraming salamat sa inyong suporta at pagtangkilik. Happy 12th Anniversary, PILIPINO Mirror!

o0o

Nais kong anyayahan ang lahat, lalo na ang mga taga-Cavite na makiisa sa isang event na gaganapin sa Museo De La Salle, De La Salle University – Dasmariñas sa ika-6 ng Hulyo.

Pinamagatang “Kasaysayan, Kultura, At Kuwento,” isa itong buong araw na kaganapan na binubuo ng serye ng mga talks o presentasyon, museum tour, at freewriting activity. Ito ay hatid ng Museo De La Salle at FLOW Writing for Healing, isang komunidad ng mga indibidwal na nagsusulat para sa kaginhawaan at paghilom.

Ang tatlong talks na kasama sa programa ay ang mga sumusunod: Flow Writing, Poetry Writing, at Storytelling. Pagkatapos nito, magkakaroon ng museum tour ang mga kalahok, at magsusulat nang sama-sama tungkol sa kanilang naranasan o sa mga alaala at damdaming dumating dahil sa ginawang aktibidad. Para sa karagdagang detalye, maaaring mag-email sa [email protected]