INIURONG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sa halip sa Agosto 1 ay sa Agosto 15 na lamang ang aktuwal na pagpapatupad sa bagong polisiya na maglilimita sa pagpasok ng mga provincial bus sa bahagi ng EDSA.
Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na nakikipag-usap ang ahensiya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa pagbabago ng ruta ng mga provincial bus na mula sa hilaga at katimugang bahagi.
“May ilang mga ruta tayong kailangang baguhin para sa ikagiginhawa ng mga pasahero. Pag-uusapan pa namin ito kasama ng mga opisyal ng LTFRB sa Lunes,” ani Garcia.
Isasabay ang pagbabawal sa ilang ruta ng provincial buses sa EDSA mula Balintawak hanggang Magallanes sa pagbubukas ng Valenzuela Interim Terminal sa Agosto 15.
“Hanggang sa Valenzuela terminal na lamang ang ruta ng ilang piling provincial buses mula sa Norte pero aalamin pa kung anong ruta ang mga ito,” paliwanag ng opisyal.
Ang Southwest Interim Provincial Terminal (SWIPT) naman ang magsisilbing terminal ng provincial buses mula sa timog na walang terminal sa Pasay City.
Sa ngayon ay palalawigin muna ang dry run para sa regulasyon sa provincial buses hanggang sa Agosto 14.
Mula Hulyo 24 hanggang 27 o unang linggo ng dry run, nasa 477 na provincial buses ang nasita ng MMDA.
Una nang inanunsiyo na ipagbabawal na ang mga provincial buses na bumiyahe sa EDSA mula Pasay hanggang Cubao sa Quezon City mula 7 hanggang 10 ng umaga at mula 6 hanggang 9 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes, na dapat ay simula ng Agosto 1 ng taong kasalukuyan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.