PAGBUHAY SA BUREAU OF AGRICULTURAL STATISTICS

BAGAMA’T puno ng magagandang tanawin at likas na yaman ang Pilipinas, patuloy na hinaharap ng sektor ng agrikultura ang iba’t ibang hamon.

Ang mga problemang ito ang nagpapahirap sa mga magsasaka at nagiging sagabal sa layuning mapabuti ang kalagayan ng agrikultura sa bansa.

Isa sa mga pangunahing hamon ay ang kakulangan sa modernisasyon ng agrikultura.

Marami pa rin sa ating mga magsasaka ang gumagamit ng tradisyunal na pamamaraan ng pagsasaka, na nagreresulta sa mababang ani lalo’t halos hindi makasabay ang kanilang mga produkto sa pandaigdigang merkado.

Kailangan ng suporta mula sa gobyerno at iba’t ibang sektor upang maisulong ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya at pamamahagi ng kaalaman sa modernong pamamahala ng sakahan.

Ang isa pang isyu ay ang hindi raw sapat na suporta sa mga magsasaka.

Madalas, ang mga magsasaka ay nawawalan ng kakayahan na makakuha ng murang pautang o tulong pinansiyal na nagiging hadlang sa kanilang kakayahan na magtanim at mapanatili ang kanilang sakahan.

Dapat magkaroon ng masusing pagsusuri sa mga programa at serbisyong pang-agrikultura upang masigurong nakatutulong ito sa pangangailangan ng mga magsasaka.

Ang isang mahalagang aspeto na kailangang bigyan ng pansin ay ang pagbabago ng klima.

Ang pag-init ng mundo ay nagdudulot ng iba’t ibang epekto sa produksyon ng agrikultura, tulad ng pag-usbong ng bagong sakit sa pananim, pagbabago ng pattern ng pag-ulan, at kawalan ng predictability sa klima.

Kailangang magkaroon ng mga adaptasyon at mitigation strategies para maprotektahan ang sektor ng agrikultura mula sa epekto ng pagbabago ng klima.

Nais namang buhayin ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. ang Bureau of Agricultural Statistics (BAS).

Sa totoo lang, ito ay naglalarawan ng mahalagang yugto sa pagtiyak ng kahusayan at kaganapan ng datos sa sektor ng agrikultura.

Nariyan daw kasi ang kakulangan ng kasalukuyang database habang kinikilala ang mga hamon nito sa pamamahala ng domestic production at demand para sa mga produkto ng agrikultura.

Pagpapakita ito ng pangako sa data-driven decision-making na isang mahalagang elemento sa pagbuo ng epektibong patakaran sa sektor.

Sa panayam naman ng inyong likod sa RESPONDE SA RADYO sa DZEC 1062, sang-ayon si Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist Rep. Nicanor Briones sa plano ni Laurel.

Aniya, dapat may sariling datos o statistics ang agriculture sector na tama para maging tama rin ang kanilang mga desisyon.

Pabor din siya sa pagbuhay dito para mapalakas daw ang intelligence operations at mabawasan ang korupsiyon sa agri sector.

Tama nga naman si Laurel sa pagkilala sa pangangailangan ng tumpak na datos upang malutas ang mga umiiral na pagkakulang at hamon sa hanay ng agrikultura.

Ang BAS, unang itinatag noong 1987 sa pamamagitan ng Executive Order No. 116, ay may mandato na magkolekta, mag-compile, at maglabas ng opisyal na istadistika sa agrikultura.

Sa paglipas ng mga taon, ang mga responsibilidad para sa pagkakalap at pagsusuri ng kaukulang impormasyon ay inilaan na sa iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan, na nagiging sanhi ng isang fragmented at medyo hindi kumpletong larawan ng datos.

Ang planong pagbuhay sa BAS ay sumasang-ayon sa orihinal na layunin ng pagtatatag nito, na nagtataguyod ng teknikal na pangangasiwa sa pagkolekta ng datos at pagsasanay ng lahat ng istadistikang pang-agrikultura at aktibidad sa pananaliksik sa ilalim ng DA.

Mahalaga rin na makipagtulungan si Laurel sa mga stakeholder, kabilang ang mga grupo ng magsasaka, upang tiyakin na ang mga patakaran sa agrikultura ay may sapat na kaalaman, mga katuwang, at sumusuporta sa pagsulong ng agrikultura ng bansa.

Ang tagumpay ng mga hakbang na ito ay magiging napakahalaga sa pagtataguyod ng pangmatagalang pag-unlad at pagtugon sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas.