MALAPIT nang maging batas ang panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) na inaasahang magdadala ng mas maraming foreign direct investments (FDIs) na susuporta sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, inaprubahan na ng Senado ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa noong Miyerkoles.
“Sa inaasahang pagsasabatas ng panukala, ang CREATE MORE ay inaasahang makakakuha ng mas maraming dayuhang direktang mamumuhunan sa bansa na mag-iiwan ng magandang epekto tulad ng paglikha ng trabaho, pinahusay na pamantayan ng pamumuhay, mas mababang presyo para sa mga kalakal at serbisyo, at pinahusay na mga imprastraktura,” ani Gatchalian, ang pangunahing may-akda at sponsor ng bill.
“Upang makamit ito, ang panukala ay nakatuon sa pagpapahusay ng tinatawag na tax incentives regime para sa mga rehistradong negosyo, paglilinaw ng mga umiiral na alituntunin at patakaran sa pagbibigay at pangangasiwa ng fiscal incentives, at pagpapaunlad ng investment climate na paborable sa mga foreign direct investment,” paliwanag pa niya.
Sa sandaling maisabatas, ang CREATE MORE ay magbibigay ng kalinawan pagdating sa VAT zero-rating sa local purchases at VAT exemption sa pag-import ng mga produkto at serbisyo. Sa madaling salita, ang VAT zero-rating at exemption ay ipatutupad na sa mga produkto at serbisyo na may kinalaman sa anumang nakarehistrong proyekto o aktibidad, kabilang ang essential services tulad ng janitorial, security, financial, consultancy, marketing, pati na mga trabahong administratibo tulad ng human resources, legal, at mga serbisyo sa accounting.
Ang panukala ay nagpapakilala rin sa hindi hihigit sa 2% na Registered Business Enterprise Local Tax (RBELT) batay sa gross income upang pasimplehin ang proseso ng pagbubuwis para sa mga negosyo. “Sa halip na magbayad ng iba pang buwis sa bawat lokal na pamahalaan, ngayon ay iisang buwis na lang ang babayaran ng mga negosyo,” aniya.
Ang panukalang batas ay nagbibigay rin ng 100 porsiyentong karagdagang bawas sa mga gastusin sa koryente ng mga negosyo at korporasyon at naglalayong magbigay ng 50 porsiyentong karagdagang bawas para sa gustong mamuhunan muli sa industriya ng turismo.
“Ang CREATE MORE ay nag-aalok ng mga targeted incentives upang higit pang humimok ng pamumuhunan na siyang magpapaunlad sa ekonomiya ng bansa,” dagdag pa ni Gatchalian.
VICKY CERVALES