ISANG natatagong paraiso sa Luzon ang karapat-dapat malibot at mabisita ng mga turista dahil sa angking kagandahan nito. Hindi pa ito sikat pero ang ganda nito ay hindi nagpapahuli sa mga kilalang destinasyon sa ating bansa gaya ng Boracay, Palawan, at Bohol. Sa palagay ko’y hindi magtatagal at makikilala na rin ang Cagbalete at hahanay sa mga kilalang tourist spot sa bansa. Kailangan lamang ay ang pagtutulungan sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Quezon at ng pribadong sektor upang maitaguyod ang turismo sa natatagong paraisong ito.
Isang mabilisang pagsilip sa internet pa lamang ay nabighani na ako sa angking ganda ng isla ng Cagbal-ete. Hindi maitatanggi ang laki ng potensiyal nito na mapabilang sa magagandang tanawin sa bansa na maaaring dagsain ng mga turista. Base sa kuwentong aking nasasagap mula sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan na nakapunta na sa isla, maaaring maitala ang isla ng Cagbalete sa listahan ng mga lugar na dapat puntahan ng mga turista lalo na yaong mga mahilig sa dagat at sa kalikasan.
Ngunit para mapalawig ang turismo sa isla, kinakailangan na handa ito pagdating sa mga payak na pan-gangailangan para makapagserbisyo sa mga turista gaya ng koryente. Malaki ang papel na gagampanan ng serbisyo ng koryente para sa kaunlaran ng isla ng Cagbalete.
Dito naman sa usapin ng paglalagay ng serbisyo ng koryente papasok ang pribadong sektor. Sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng probinsiya at ng mga residente ng isla, mailalagay sa mapa ang isla ng Cagbalete bilang lugar na mainam dayuhin ng mga turista. Sa pagdadala ng liwanag ng Meralco sa isla ng Cagbalete, tiyak na abot-kamay na ang pag-angat ng turismo sa isla. Pormal na pinasinayaan nitong nakaraang linggo ang pasilidad na itinayo ng Meralco sa isla na gumagamit ng teknolohiya ng solar power. Ang ginawa ng Meralco ay alinsunod din sa programa nitong pagpapailaw sa mga liblib na bahagi ng bansa gamit ang maaasahan at pangmatagalang pagkukuhanan ng serbisyo ng koryente.
Upang matugunan ang mga hamon sa pagbibigay ng serbisyo ng koryente sa mga lugar na mahirap puntahan dahil nakahiwalay sa mismong mga probinsiyang kinabibilangan nito, nagsimula ang Meralco sa paggamit ng mga maliliit na power grid na maaaring tumakbo nang hindi kinakailangang kumonekta sa transmission at distribution network ng bansa.
Nakumpleto ng Meralco ang paglalagay ng nasabing pasilidad sa isla ng Cagbalete noong buwan ng Mayo ng kasalukuyang taon. Ito ay isang pasilidad na gumagawa ng koryente gamit ang pinagsanib na teknolohiya ng 60 kWp solar PV, 150 kWh na battery energy storage, at ng mga 30 kW diesel generator.
Ang disenyo ng nasabing teknolohiya ay naglalayon na makapagbigay ng serbisyo ng koryente 24/7 sa 200 kabahayan sa nasabing 1,795 ektaryang isla na nahahati sa dalawang barangay, ang Brgy. Cagbalete I at Brgy. Cagbalete II.
Ang aksiyong ito ng Meralco na magtayo ng pasilidad ng koryente sa Cagbalete gamit ang teknolohiya ng solar microgrid ay nauna nang ginawa sa Isla Verde sa probinsiya ng Batangas, kung saan unang naitayo ang kauna-unahang solar microgrid na proyekto ng Meralco. Bunsod ng pagkakaroon ng serbisyo ng koryente sa Cagbalete, mas magiging madali ang pagpapaunlad ng turismo ng isla.
Dalawang magkasabay na seremonya ang idinaos sa isla ng Cagbalete at sa Bonifacio Global City sa Taguig. Ang mga seremonya ay pinangunahan ng mga opisyal ng Meralco na sina Chairman Manuel V. Pangilinan, President and CEO Atty. Ray C. Espinosa, Senior Vice President and Networks Head Ronnie L. Aperocho, at First Vice President and Customer Retail Services and Corporate Communications Head Victor S. Genuino.
“It is also our intention to not just provide this type of electrification program using an integrated hybrid solution controls of photovoltaic type system, battery type system, energy storage system, and diesel generators to provide stable power to the community. We plan also to bring this microgrid solutions outside our franchise area so that we can also help the DOE and our government in providing electrification to other parts of the country,” mungkahi ni Atty. Espinosa.
Ngayon na nagsimula na sa operasyon ang mga microgrid sa isla, ang Cagbalete ay magkakaroon na ng karagdagang supply ng koryente na hindi magtatagal ay tutulong sa mga residente na maiangat ang antas ng kanilang kabuhayan. Ang pagkakaroon ng serbisyo ng koryente ay magbubukas ng malaking mga oportunidad para sa isla lalo na sa larangan ng turismo.
Kasama rin sa makikinabang sa serbisyo ng koryente ay ang mga paaralan sa isla. Ibig sabihin, pati ang kalidad ng edukasyon sa isla ay mas bubuti at gaganda. Hindi lamang maliwanag na kapaligiran kundi pati maliwanag na kinabukasan ang hatid ng pagkakaroon ng serbisyo ng koryente sa isla ng Cagbalete.
Malaking papel ang ginampanan ng One Meralco Foundation (OMF) sa pagbibigay ng serbisyo ng koryente sa mga paaralan sa isla sa pamamagitan ng Household Electrification Program nito. Nakapaglagay na sila ng serbisyo ng koryente sa tatlong pampub-likong paaralan sa isla bilang bahagi ng school electrification program nito. Nagkabit ito ng 1-kilowatt peak solar photovoltaic system sa isla upang makapagbigay ng koryente sa mga paaralan.
Hindi magtatagal ay uunlad ang isla ng Cagbalete at maituturing na hiyas ng probinsiya ng Quezon. Bunsod ng mga programa at proyektong ipinatupad sa isla, tiyak na ang kaunlaran ng Cagbalete at ang pagtaas ng antas ng kabuhayan ng mga residente rito. Isasama ko ang isla ng Cagbalete sa aking listahan ng mga lugar na dapat bisitahin sa bansa kapag ako’y retirado na.
Comments are closed.