PAGDADALA NG LIWANAG SA NEW CLARK CITY PARA SA NALALAPIT NA SEA GAMES

Joes_take

KABI-KABILA na ang prepa­rasyon ng bansa para sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games. Ang Filipinas ang punong-abala sa ‘biennial regional multi-sport event’ na ito. Matindi ang na­ging paghahanda sa mga lugar ng Manila, Pampanga, Tarlac, at Tagaytay.

Ito ang ikaapat na pagkakataon na ang Filipinas ang magsisilbing punong abala sa nasabing torneo. Ang huling beses ay noon pang 2005. Higit sa 500 na kaganapan sa loob ng 56 na labanang pang-isports ang gaganapin sa apat na pangunahing lugar na pangyayarihan ng torneo mula ika-30 ng Nobyembre hanggang ika-11 ng Disyembre na maghuhudyat sa kaga­napang ito bilang pinakamalaking SEA Games sa kasaysayan nito.

Ito ay isang mahalagang rehiyonal na kaganapang pang-isports kung saan maaari tayong makipagtapatan at makipagtagisan ng  galing sa mga kapwa natin Asyano. Ito rin ay mainam na pagkakataon upang maiparanas natin sa mga dayuhan ang ating mabuting pagtanggap, katalusan, at katalinuhan sa paglikha. Ito ay magsisilbing testamento sa ating dedikasyon, pangako, at kagalingan sa larangan ng isports sa pandaigdigang antas. Kung magiging tagumpay ang pagiging punong-abala natin sa kaganapang ito, maaari itong magbigay ng daan sa atin na makasali sa bidding upang maging punong-abala ng 2030 Asian Games.

Ang malaking rehiyonal na kaganapang pang-isports na ito ay magpapakilala sa ­Filipinas bilang isa sa mga pangunahing kalahok sa mga nakatakdang labanan. Higit sa lahat, makatutulong ang kaganapang ito upang maisulong ang turismo ng ating bansa at mas mapabuti ang reputasyon at imahe ng Filipinas.

Ang pagtatayo ng bagong stadium sa New Clark City (NCC) na nagkakahalaga ng P13 bilyon at may laking 40 ektarya sa Capas, Tarlac ang pinakamahalagang bahagi ng prepa­rasyon natin para sa SEA Games.

Ang mga pangunahing isport gaya ng track and field at swimming ay nakatakdang ganapin sa bagong tayong stadium na sinasabing may kapasidad na 20,000 na upuan. Mayroon din itong aquatic center na may 2,000 upuan, athlete’s village na may 2,100 kama, 1.4-km na Riverpark, at ilang mga gusaling pangpamahalaan.

Ang pagsiguro na magiging matagumpay ang makasaysayang torneong ito ay nangangahulugang walang ­maaaring aberyang mangyari sa prepa­rasyon at maging sa mismong torneo. Kasama rito ang pagsiguro na may koyenteng magagamit sa mga bagong tayong pasilidad na gagamitin sa nasabing kaganapan. Ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ay nag-imbita rin ng mga dekalibreng talento kagaya ng Black Eyed Peas na pinangungunahan ng Fil-Am na si Apl.de. ap bilang performer sa SEA Games.

Malaki ang ginagampanang papel ng Meralco sa paghahanda sa NCC bilang isang ‘ready-for-use’ na lokasyon at pasilidad para sa nalalapit na SEA Games. Sinusuportahan ng Meralco ang bisyon ng Bases Conversion and Development (BCDA) na buuin ang NCC bilang isang ‘smart, green, and sustainable metropolis’.

Sa pakikipagtulungan sa Marubeni Corporation, isang ma­laking kompanya sa Japan; Kansai Electric Power Co. Inc., at Chubu Electric Power Co. Inc. – ang dalawa sa pinakamalalaking kompanya ng koryente sa Japan – nabuo ng Meralco ang Meralco-Marubeni Consortium at pumirma rin para sa Joint Venture Agreement (JVA) kasama ang BCDA para sa pagpaplano, konstruksiyon, at pagpapaunlad ng electric power distribution system sa NCC.

Ang Meralco-Marubeni Consortium ay maghahatid ng dekalibre at pang-interna­syonal na antas ng serbisyong pang-koryente sa pamamagitan ng modernong sistema ng distribusyon na susuporta sa pangangaila­ngan ng NCC. Kami rin ay naniniwala na ang pagsuporta sa NCC ay makakapagpasok ng mas malalaking mamumuhunan, karagdagang trabaho sa Tarlac at sa buong Central Luzon, na hindi magtatagal ay tutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.

Ang New Clark City ay kasama sa mga prayoridad na proyekto ng administrasyon sa plano nitong pang-imprastraktura. Dahil sa magandang lokasyon nito na malapit sa Clark International Airport at Subic Bay Freeport, nagsisilbi itong instrumento upang maibsan ang sikip ng trapiko sa Metro Manila sa pamamagitan ng paglilipat ng ilang ahensiya ng gobyerno sa lungsod. Ang bagong binubuong punong-lungsod ay magkakaroon din ng mga residensiyal, ko­mersiyal, agro-industriyal, at institusyong pang-edukasyon kasabay ng ilang mga binubuong teknolohiyang pang-impormasyon.

Sa kasalukuyan, ang bagong buong Consortium ay nakapagbigay na ng koryente sa bago nitong 69 kV-13.8kV Interim Substation at primary distribution lines sa NCC, na magsu-supply sa demand ng Phase 1A ng NCC project na sumasaklaw sa 60 ektaryang lupa kasama ang NCC Sports Complex na siyang kinatatayuan ng NCC Stadium at NCC Aquatic Center. Sisiguraduhin nitong walang mangyayaring pagkaantala sa supply ng ­koryente habang ginaganap ang SEA Games sa nasabing sports complex.

Malaki ang aming paniniwala na mapapahanga natin ang ating mga kapitbahay sa Asya sa ganda ng ating paghahanda. Isang makasaysa-yan at kapana-panabik na kaganapan ang naghihintay para sa ating mga bisita mula sa pagbubukas ng SEA Games sa Nobyembre at hanggang sa pagsasara nito sa Disyembre. Tamang-tama rin ito sa Kapaskuhan, ang pamamaraan ng mga Filipino sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus.