PAGDEDEKLARA NG STATE OF CALAMITY SA MANABO, ABRA PINAG -AARALAN, 200 BABOY TINAMAAN NG ASF

ASF

PINAG-AARALAN  na ng lokal na pamahalaan ng Manabo, Abra kung magdedeklara ng state of calamity matapos mamatay ang mahigit sa dalawang daang baboy na hinihinalang tinamaan ng African Swine Fever (ASF).

Sa ulat, sinabi ni Manabo Agriculturist Eugene Bobiles na lahat ng sintomas ng ASF ay nakita sa mga namatay na baboy katulad ng namumulang ilong, tainga, at tiyan,pag ubo at hirap sa paghinga.

Isinailalim na sa culling operation ang ilan sa mga alagang baboy ng mga hog raisers at nakuhaan na rin ng mga blood samples para sa confirmatory test mula sa Bureau of Animal Industry (BAI ) bago ibaon sa lupa matapos ang mga ito ay mamatay sa loob lamang ng isang linggo.

Ayon kay Bobiles, inaalam pa kung paano nahawa sa naturang sakit ang mga baboy.

Labis namang nanghihinayang ang mga apektadong hog raisers.Kaya nananawagan sila ng tulong mula sa Department of Agriculture.

Ipinagbabawal muna ang pagkatay at pagbebenta ng mga karne ng baboy sa Manabo, pati pagpasok at paglabas ng baboy pati ang mga processed pork products sa naturang bayan.

Ang mga apektadong baboy ay nagmula sa pitong barangay ng naturang bayan.

Ipinag -utos na rin ni Mayor Darrel Domasing sa pamamagitan ng isang Executive Order ang culling ng mga nagkasakit na baboy at pagbabawal sa pagbebenta ng karne ng mga ito.Ma. Luisa Macabuhay-Garcia