NANGUNGUNA ang Japan sa pag-develop at paggamit ng artificial intelligence (AI) upang punuan ang kakulangan sa kanilang manggagawa sa pamamagitan ng mga robot upang gawin ang mga madadali at paulit-ulit na uri ng trabaho. Pero alam ninyo ba na pati ang China, na siyang may pinakamalaking populasyon sa mundo, ay pumasok na rin sa eksena at gumagamit na rin ng AI upang ma-automate ang mga serbisyong legal sa ilang mga komunidad nito?
Nalaman ko lang din ito mula sa national president ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na si Atty. Domingo Egon Q. Cayosa, kung saan pinag-usapan nila ng pangulo ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines na si Belle Tiongco ang nasabing teknolohiya sa isang online talk show ng Daily Tribune.
Bukod sa pagiging pinuno ng Public Information Office ng Meralco, karangalan ko rin na mahalal bilang chairman ng IABC Philippines.
Sa nasabing online talk show, sinabi ni Atty. Cayosa na nais niyang tulungan ang mga lokal na abogado na mas mahasa at maging bihasa sa larangan ng pag-aabugasya sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya, partikular na rito ang AI. Ikinuwento niya ang matagumpay na pag-implementa ng China sa pag-gamit ng automated legal services.
Simple lang daw ang proseso sa paggamit nitong automated legal services ng China, ayon kay Atty. Cayosa. Ang isang local citizen ng China na may pangangailangang legal ay kailangan lang pumunta sa kanilang government center, at sa tulong ng isang makina na para lang isang ATM ay madali at mabilis na makakakuha ng legal na consultasyon o serbisyo mula rito.
Ang mga lokal na Chinese citizen ay kailangan lang i-type ang kanilang legal na pangangailangan sa machine, kasama ang mga importanteng detalye, matapos nito ang AI na ang magpoproseso nito gamit ang isang legal database. Magpi-prisinta ng mga rekomendasyon o mga posibleng maging resulta ng kaso kung ipupursige ito. Ang nasabing AI system ay maaari ring makagawa ng mga kontrata at iba pang mga legal na dokumento.
Ayon kay Atty. Cayosa, pumatok ang paggamit ng AI sa legal sector ng China dahil ito ay nakapagbibigay ng resultang tama, sa mabilis at episyenteng paraan kumpara sa nakasanayang mano-manong paraan.
Mayroon pa ring mga limitasyon ang nasabing AI system pagdating sa mga banyagang batas, pero pinatutunayan nitong automated legal machines ng China na ang mga industriya ng business communications at ang larangang legal ay tuloy-tuloy sa paghahanap ng mga makabagong paraan para mapahusay at mas maging episyente ang proseso sa hangarin na makamit ang katotohanan at hustisya.
Marahil ay maaaring tingnan at pag-aralan ng ating gobyerno kung paano epektibong maimplementa rin sa bansa natin ang sistemang ginawa ng China para ma-automate ang kanilang mga serbisyong legal. Mahalaga na laging maging maingat at maging propisyente sa mga tradisyonal na paraan sa kahit na anong larangan, pero hindi maiiwasan at importante rin na tayo ay maka-develop at gumamit ng mga makabago at modernong pamamaraan na mas makatutulong na makapagserbisyo ng mas mabilis at episyente.
Maganda rin ang timing ng online digital talk show para pag-usapan ang paksang ito kung saan nagkasundo ang IABC at IBP sa iisang hangarin: ang maitaguyod, mapalaganap, at makagamit ng mga makabagong teknolohiya, inobasyon, at social media sa larangan ng business communications at sistema ng batas sa ating bansa.
Napagkasunduan din namin doon na ang aming industriya ay dapat pangalagaan ang katotohanan. Ang mga nasa larangan ng media at ang mga abogado ay dapat siguruhin na gumamit ng mga tunay at totoong impormasyon lamang. Katuwang ito ng aming paglaban sa fake news at pagsisiguro na ang impormasyong makakalap ng publiko ay pawang katotohanan lamang.
Ang isa pang importanteng punto na pinag-usapan ng IABC at IBP ay ang importansiya ng pagtanggap ng makabago at modernong teknolohiya upang mapagpabuti pa ang pagganap ng ating mga gawain sa larangan ng komunikasyon at sa larangan ng legal upang tayo ay makasabay sa ating mga karatig-bansa, lalo na sa Timog Silangang Asya.
Ikinagagalak ng IABC ang pagtutulungang ito kasama ang IBP na maipahayag ang mga ito sa pamamagitan ng digital platform ng Daily Tribune, at aming inaanyayahan ang aming mga miyembro na magsalita at madaling makapagbigay ng legal na impormasyon sa ating mga kababayan.
Sumasang-ayon ako sa sinabi ni Atty. Cayosa na hindi sapat na ang legal practice ay ginagawa sa loob ng korte lamang kung hindi ang mga abogado ay dapat masiguro na naiintindihan ng bawat mamamayan ang mga batas at ang mga karapatan nila sa ilalim nito. Katuwang ito sa adbokasiya ng IBP na “be seen and be heard.”
Katuwang kami ng IBP sa paglaan ng impormasyong madaling maintindihan at ibinase sa pawang katotohanan lamang. Kasama ang IBP, malalabanan natin ang fake news at makapagpapahayag at magpapakalap lang tayo ng totoong impormasyon na ang siyang makikinabang ay ang ating mga mamamayan.
Magpapatuloy ang pagtutulungan namin at ng IBP upang maitulak ang kanilang adbokasiya at sa paggabay sa mga abogado kung paano mas mapapagbuti ang kanilang pakikipag-usap o pagpapakalap ng impormasyon para sa ikauunlad at ikabubuti ng buhay ng bawat Filipino.
Comments are closed.