PAGHAHANAP NG BAGONG ASSOCIATE JUSTICE BINUKSAN NA

BINUKSAN na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang paghahanap ng bagong Associate Justice sa Korte Suprema kasunod ng pagkakatalaga kay Chief Justice Teresita De Castro bilang bagong pinuno ng Hudikatura.

Sa anunsiyo na pirmado ni Supreme Court Clerk of Court at JBC Ex-Officio Secretary Edgar Aricheta, itinakda ang deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon hanggang Oktubre 1, 2018, ganap na alas-4:30 ng hapon.

Mahigpit ang abiso ng JBC na dapat kompleto ang mga documentary requirement ng lahat ng mga aplikante.

Nakatakda ring buksan ng JBC sa mga susunod na araw ang aplikasyon para sa isa pang bakanteng puwesto sa Korte Suprema bunsod naman ng pagkakahirang kay dating Associate Justice Samuel Martires bilang Ombudsman.

Samantala, inihayag ng Supreme Court Employees Association (SCEA) na bahagi ng pag-welcome kay De Castro bilang mahistrado ay naglunsad sila ng “Blue Monday” kung saan ang mga empleyado ng Korte Suprema ay magsusuot ng kulay asul sa pagdalo nila sa flag ceremony bukas.

Ito  ay bilang simbolo na kanilang ikinalulugod ang pagkakatalaga kay De Castro bilang ina ng Hudikatura. TERESA CARLOS