NAKARANAS ng matinding pagbaha ang Gitnang Luzon at Metro Manila mula sa matinding pag-ulang dala ng bagyong Ulysses. Maraming kabahayan ang nasalanta at halos hindi na makita sa gitna ng baha sa mga lugar ng Marikina at Cagayan Valley. Tila tayo ay tinuturuan ng leksiyon ng Inang Kalikasan ukol sa epekto ng pagpapabaya sa kapaligiran.
Nasa 67 katao ang naitalang nasawi at higit sa 2 milyong katao ang naapektuhan ng bagyong Ulysses, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Ito rin ay nag-iwan ng pinsala sa agrikultura na nagkakahalagang P2.14 bilyon at humigit kumulang P482.85 milyon naman sa imprastraktura. Sa kabuuang bilang ng mga nasawi, 22 ang mula sa Cagayan Valley.
Ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na napaghandaan ng pamahalaan ang insidenteng naganap sa Cagayan Valley ngunit hindi nito inasahan ang taas ng pagbaha na nangyari sa nasabing lugar na kaugnay ng pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.
Sa dami, lawak, at tindi ng mga kalamidad na pumapasok at dumadaan sa bansa kada taon, wala na yatang mas titibay at mas tatatag pa sa mga Filipino. Tayo lamang ang bansa na tila kumakain ng bagyo bilang almusal sa sobrang kasanayan natin sa ganitong kaganapan. Magdadaan ang mga bagyo – mananalanta at mamiminsala, ngunit pagkatapos nito ay mabilis tayong bumabangon at handa na naman para sa susunod na unos na kakaharapin ng bansa.
Ipinakikita ng sunod-sunod na pagpasok ng mga bagyo sa bansa noong nakaraang tatlong linggo ang kahalagahan na mas pag-ibayuhin pa ang kalidad ng imprastraktura sa bansa at ang instratehiya at sistema sa pagresponde sa ganitong mga pangyayari.
Mas lalong nakakapagpalakas ng kalooban ng mga Filipino ang mabilis na aksiyon ng ating pamahalaan sa pagsiguro na maiwasan ang pag- ulit ng mga trahedya at pagkalugi. Ginagawan na rin ng paraan upang hindi na muli maulit ang matinding pagbaha na kagaya ng nangyari dahil sa bagyong Ulysses.
Ang proyektong Metro Manila Flood Control Management Project, na pinagtutulungang ipatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ay nakatakdang matapos sa 2024. Kasama sa proyektong ito ang mga panuntunan upang mas madaling matugunan ang mga insidente ng pagbaha. Malaking tulong ang proyektong ito sa pagiging handa ng ating bansa sa mga darating pang kalamidad.
Isa pang mahalagang bagay na dapat tutukan sa paghahanda para sa insidente ng pagbaha sa bansa ay ang pag-aayos sa drainage system. Kailangang maging maagap ang gobyerno at ang lokal na pamahalaan ukol sa dami ng tubig na maaaring dalhin ng mga matinding pag-ulan, malalakas na bagyo, at iba pang pangyayari na maaaring magsanhi ng pagbaha. Kailangang masiguro na kakayanin ng drainage system ng bansa ang tubig ulan at ang tubig mula sa mga dam sa mga panahong kailangan nitong magpakawala ng tubig.
Lahat tayo ay may pananagutan patungkol sa pagbaha at panahon na upang may gawin tayong hakbang. Isa sa mga karaniwang sanhi ng pagbaha ay ang hindi wastong pagtatapon ng mga basura. Ito ay bumabara sa mga daanan ng tubig kaya nagkakaroon ng pagbaha.
Ang mga epekto ng bagyo at pagbaha sa mga probinsya ay isang patunay na ang paglalaan ng lupa para sa agrikultura, mga parke, at iba pang lugar kung saan maaaring masipsip ng lupa ang tubig ulan, ay isang bagay na dapat isaalang-alang ng mga lokal na pamahalaan.
Ang mga imprastraktura ay isang magandang panimula para sa paghahanda sa mga parating na bagyo upang maiwasan ang matinding pagbaha sa lugar ngunit walang naaakmang paghahanda ang tuluyang makapipigil sa pananalanta ng mga malalakas na bagyo at iba pang kalamidad. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng pagkakaroon ng maayos at maaasahang sistema ng pagtugon sa sakuna.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pamahalaan sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses. Kumikilos na rin ang military at ang ating kapulisan upang makapaghatid ng mga kagamitang kailangan sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta sa Cagayan Valley.
Ang Kongreso ay nagpaplano na magsagawa ng public hearing upang maimbestigahan ang insidente ng pagbaha sa Cagayan Valley at Isabela. Isinumite ng ilang mambabatas ang House Resolution 1348 upang suriing mabuti at alamin kung saan nagkaroon ng pagkukulang patungkol sa pagtugon sa nasabing kalamidad.
Mabilis na kumilos ang mga mambabatas matapos ipahayag ni Pangulong Duterte ang kanyang kagustuhang mapaimbestigahan ang ilegal na pagmimina at pagtotroso sa mga probinsya ng Cagayan Valley at Isabela, na naging sanhi ng matinding pagbaha sa naturang mga lugar.
Sa aking personal na pananaw, mainam din kung isasama ang daanan ng tubig mula sa Magat Dam sa gagawing pagsisiyasat dahil ito ang tinukoy na sanhi ng matinding pagbaha sa lugar.
Bukod sa imbestigasyon, bumuo rin ng panibagong task force ang pamahalaan na tututok sa pagsasaayos at pagpapabuti ng sistema ng pagtugon sa mga sakuna at kalamidad at ng paghahanda para sa mga ito. Iniutos ni Pangulong Duterte ang pagbuo sa grupong tinawag nyang “Big Back Better” Task Force para tulungan ang NDRRMC sa pagbabantay at pagsiguro na maayos ang pagsasagawa ng paghahatid ng mga tulong.
Ang nasabing task force ay inaasahang tututok sa koordinasyon at sa pangagasiwa sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam upang maiwasan ang mga mapanganib at biglaang pagbaha.
Iwasan nating bahiran ng politika ang mga kalamidad na dumaan sa bansa dahil hangga’t hindi natin naisasaayos ang mga drainage system sa bansa at hangga’t hindi nadaragdagan ang mga lugar sa bansa kung saan maaaring sipsipin ng lupa ang tubig ulan, magpapatuloy ang pagbaha.
Ang ating kapaligiran ay ipinagkaloob sa atin ng Panginoon ngunit nakalulungkot na hindi natin ito inalagaan ng mabuti. Patuloy natin itong inabuso kaya’t nangyayari ang mga kalamidad na gaya ng matinding pagbaha. Ito lang ang mundong mayroon tayo. Alagaan natin ang ipinagkaloob sa atin hindi lang para sa ating sarili kundi para na rin sa susunod pang mga henerasyon.
Comments are closed.