ISINAILALIM na ng Department of Health (DOH) sa Code White Alert ang may 16 na pagamutan sa Metro Manila bilang paghahanda para sa pagdaraos ng Traslacion 2020 bukas, Enero 9, sa Quiapo, Manila.
Inaasahang lalahukan ng milyon-milyong deboto ng Poong Itim na Nazareno ang Traslacion.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, may 14 na health emergency response teams silang ipakakalat sa mga istratehikong lugar sa ruta ng Traslacion upang magkaloob ng emergency medical services sa libo-libong deboto sakaling kailanganin.
Pinaalalahanan na rin ng kalihim ang mga deboto na lalahok sa prusisyon na magsuot ng kumportableng damit, protective footwear, sombrero bilang proteksiyon sa init at kapote bilang proteksiyon naman sa ulan.
Dapat rin aniyang magdala ng tubig at biskwit at mga kendi upang makaiwas sa gutom at dehydration.
Pinayuhan ni Duque ang mga ito na iwasan na ang pagdadala ng mga alahas, mamahaling gadgets at iba pang mahahalagang gamit, na maaaring makaakit lamang umano ng mga kawatan, na inaasahan nang magsasamantala rin sa okasyon.
“I call on all devotees who will be joining the procession to wear comfortable clothes and protective footwear, and to wear hats and bring fans to combat the heat. Also bring raincoats/ponchos in case it rains, and enough clean drinking water to avoid dehydration. Make sure to bring bite-size non-perishable food such as candies or chocolates for quick hunger relief, and avoid wearing jewelries and bringing expensive gadgets and other valuables,” panawagan pa ni Duque.
Samantala, ang mga deboto naman na may sakit ay pinayuhan na lamang ni Duque na tiyaking may dalang maintenance medicine. Gayunman, mas makabubuti aniya kung hindi na sila lalahok sa traslacion upang makaiwas sa anumang disgrasya.
“Devotees with chronic illnesses should also bring their maintenance medicines, or better yet, stay and pray at home. Children and pregnant women are also advised not to join the procession,” dagdag pa ng kalihim.
Ayon sa DOH, ang Code White Alert ay idinideklara sa mga pagamutan sa panahon ng national events, holidays, at iba pang pagdiriwang na maaaring maging sanhi ng mass casualties o emergencies, gaya ng Traslacion.
Sa panahon ng Code White Alert, ang mga emergency medicines at supplies, partikular na ang mga trauma needs, ay dapat na readily-available, sakaling kailanganin.
Ang mga medical specialist ay dapat na nakaantabay para kaagad na malapatan ng lunas ang mga pasyente, habang ang mga emergency service personnel, nursing at administrative personnel ay naka-on-call status para sa mabilisang mobilisasyon.
“Know where the Emergency Medical Stations are located for easy access in case of any medical emergency. Let us pray for a peaceful and safe Traslacion,” pagtatapos pa ni Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.