PAGHAHATID NG LIWANAG SA MGA MALALAYO AT LIBLIB NA LUGAR

JOE_S_TAKE

ISA SA mga pinakamalaking hamon para sa mga distribution utility sa ating bansa  ay ang pagsiguro sa patuloy na pagbibigay ng serbisyo ng koryente sa kabila ng pandemyang COVID-19.

Ang industriya ng koryente ay hindi kagaya ng ibang industriya kung saan ang mga manggagawa ay maaaring magtrabaho mula sa kani-kanilang mga bahay habang sinisiguro ang pagpapatuloy ng operasyon 24/7.

Ang pagbibigay ng maaasahang serbisyo ng koryente ay isang mahalagang bagay lalo na ngayong panahon kung saan nagbalik na rin sa operasyon ang mga paaralan gamit ang tinatawag na blended educational approach habang may pandemya.

Nakagagalak na malaman na ang One Meralco Foundation (OMF), ang sangay ng Meralco na nangangalaga sa mga programa nitong pang-komunidad, ay muling nagpatuloy sa pagbibigay ng koryente sa mga paaralang nasa mga lugar na hindi na abot ng mga pasilidad nito. Ito ay isinagawa ng OMF upang makatulong sa mga guro sa mga malalayong komunidad na makasabay sa ipinatutupad na blended learning.

Halos isang dekada na ring isinasagawa ng OMF ang programang ito. Sa ilalim ng nasabing programa ay naglalagay sila ng 1 hanggang 3 kilowatts na solar PV system sa mga pampublikong paaralan na matatagpuan sa mga malalayo at liblib na lugar sa bansa. Karamihan sa mga lugar na ito ay nasa labas na ng lugar na kinasasakupan ng Meralco.

Layunin ng OMF na mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan sa nasabing mga lugar na makapag-aral nang maayos gamit ang mga teknolohiyang gaya ng mga kompyuter at ng internet. Ito ay mahalaga sa paghubog ng kanilang kaalaman bilang paghahanda sa modern at dinamikong takbo ng buhay kapag sila’y nagsimula nang magtrabaho.

Sa pagtatapos ng 2019, ang OMF ay matagumpay na nakapaghatid ng liwanag sa 245 na paaralan sa iba’t ibang lugar sa bansa – 106 sa Luzon, 72 sa Visayas, at 67 naman sa Mindanao.

Layunin ng OMF na maipagpatuloy ang momentum na ito. Ngayong taon, plano ng OMF na  mabigyan din ng koryente ang hindi bababa sa 15 pang paaralan ngunit dahil sa krisis na dala ng pandemya ay naantala ang programang ito lalo na noong unang bahagi ng taon.

Ayon kay Jeffrey Tarayao, ang presidente ng OMF, ang mga paaralan na kanilang nabigyan ng koryente ay mga paaralang matatagpuan sa mga lugar na hindi basta-basta napupuntahan kahit na normal ang sitwasyon. Ang pandemyang ito ay naging matinding hamon para sa kanila dahil sa paghihigpit ukol sa pagbiyahe sa ibang lugar kaya hindi naging madali ang ibiyahe ang kanilang mga kagamitan upang umabot sa mga liblib na lugar na kanilang nakaplanong puntahan.

Subalit sa kabila ng mga matitinding hamong sanhi ng pandemya, nagpatuloy ang OMF sa pag-abot sa kanilang layunin. Kasabay ng unti-unting pagluwag ng mga ipinatutupad na panuntunan ukol sa paglalakbay sa iba’t ibang bahagi ng bansa, muling nagpatuloy ang OMF sa pagpapadala ng kanilang kagamitan at mga engineer sa mga probinsya ng Samar at Masbate noong Hulyo.

Ayon kay Tarayao, sa halip na hayaang maantala ang kanilang proyekto ukol sa pagpapailaw, sila ay naniwala at nanindigan na mas kailangan ng mga paaralan na nasa mga liblib at malalayong lugar ang koryente ngayon dahil sa ipinatutupad na blended learning ng Department of Education (DepEd).

Napakalaki at nakapahalaga ng papel na ginagampanan ng koryente sa inilunsad na istratehiya ng DepEd. Karamihan ng mga mag-aaral ay nag-aaral mula sa kani-kanilang mga bahay. Upang maging epektibo ang istratehiya ng DepEd, kailangan ng mga mag-aaral ng maasahang supply ng koryente. Maging ang mga mag-aaral na gumagamit ng mga printed na module ay kailangan din ng koryente upang makapag-aral nang maayos.

Ang kawalan ng koryente ay naging sanhi ng hirap sa mga guro sa pag-access ng mga material na kanilang kailangan sa pagtuturo. Bukod dito, hindi rin sila makalalahok sa mga online seminar na kina-kailangan nilang masalihan upang mas makapaghanda sila para sa pagpapatupad ng distance learning. Ang mga mag-aaral ang lubos na maaapektuhan nito.

Sa ikalawang linggo ng  mga online class, ang OMF ay matagumpay na nakapagbigay na ng koryente sa pitong paaralan sa munisipalidad ng Sto. Nino, Samar. Isa rito ay ang Corocawayan Elementary School. Ayon kay Dennis Cubelo, ang punong-guro ng paaralan, dati ay nahihirapan sila sa pagdaraos  ng mga klase dahil sa limitadong supply ng koryente sa isla. Ang koryente ay nagagamit lamang mula 4 p.m. hanggang 9 p.m. gamit ang generator. Karamihan ng mga paaralan sa isla ay walang koryente.

Ang kawalan ng koryente sa paaralan ay nangangahulugan na hindi sila maaaring gumamit ng mga kompyuter at hindi rin posible ang magkaroon ng serbisyo ng internet. Kailangan pa nilang sumakay ng bangka upang makapunta sa lugar kung saan may koryente. Karaniwan ay ginagastos ng mga guro ang kanilang sariling pera sa pagbabayad sa mga bangka na ginagamit nila.

Sa pamamagitan ng supply ng koryente na hatid ng OMF, ang isla ay mayroon nang koryente 24/7. Hindi na rin kailangan ng mga guro na sumakay ng bangka upang makapunta sa mga lugar kung saan may koryente upang magampanan ang kanilang tungkulin na makapagturo.

Lubos ang pasasalamat ni Cubelo sa proyekto ng OMF. Dahil sa nasabing proyekto ay nabigyan ng pagkakataon ang kanilang mga guro na makapaghanda para sa pagpapatupad ng blended learning approach ng DepEd.

Sa kabila ng pansamantalang pagkaantala ng proyekto bunsod ng pandemya, patuloy ang dedikasyon ng OMF sa pag-abot sa kanilang layunin na makapagbigay ng koryente sa hindi bababa sa 15 na paaralan bago matapos ang taong 2020. Kaugnay nito, ang OMF ay kasalukuyang naglalagay ng solar power equipment sa pito pang paaralan sa Masbate, at sa ilang bahagi ng Mindanao sa mga susunod na linggo.

Bukod pa sa mga proyektong ito, tinutulungan din ng OMF ang mga paaralan na dati na nilang nabigyan ng supply ng koryente. Tinuturuan nila ang mga ito ng tamang paggamit sa mga kagamitan at kung paano mapananatili ang magandang kondisyon ng mga ito. Ngayong taon, ang mga libreng training na ito ay isasagawa online para sa kaligtasan ng mga lalahok.

Ako ay naniniwala na mahalaga para sa mga pribadong utility ang makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mas mapabilis ang pagtatapos ng proyekto sa bawat lugar. Masisiguro rin ang pagsunod sa mga panuntunang ipinatutupad sa bawat munisipalidad para sa kalusugan at kaligtasan ng lahat gaya ng physical distancing, pagsusuot ng mga face mask at face shield.

Kailangang-kailangan natin ang mga organisasyong gaya ng OMF na nagpapamalas ng malasakit at pagmamahal sa bansa – isang organisasyong handang gawin ang lahat para sa ikabubuti at ikauunlad ng mga komunidad sa kabila ng anumang hirap ng sitwasyon at pandemya.

Comments are closed.