PARAÑAQUE CITY- BUMABA ng 25% ang mga deboto ng Our Mother of Perpetual Help na nagno-novena tuwing Miyerkoles sa Baclaran Church sa Parañaque City dahil na rin sa mabilis na pagkalat at panghahawa ng nakamamatay na novel coronavirus disease (COVID- 19).
Ayon kay Brother Reagan Gatdula, CSSR (Redemptorists Fathers), hindi tulad ng pangkaraniwang scenario na makikita tuwing araw ng Miyerkoles sa loob ng Baclaran Church na punong-puno ng mga debotong nagno-novena, kapuna-puna na kakaunti na ang dumadalo sa novena dahil na rin sa mabilis na paglaganap ng COVID-19 sa Metro Manila.
Nang tanungin tungkol sa preparasyon ng misa tuwing Miyerkoles, sinabi ni Gatdula na inabisuhan sila kabilang si Fr. Victorino Cueto, CSSR, na sundin ang guidelines ng Catholic Bishop of the Philippine (CBCP) tungkol sa pagsasagawa ng misa makaraang magdeklara ang Department of Health (DOH) ng state of public health emergency sa buong bansa.
Sinabi ni Gatdula, na may mga flyers na nasa wikang tagalog ang ipinamimigay sa mga tao na nagpapaalala sa mga taong masama ang pakiramdam na manatilli na lamang muna sa kani-kanilang mga bahay at huwag na munang sumama sa mga liturgical assemblies.
Nakasaad din sa guidelines ng CBCP na wala ring tubig na matatagpuan sa mga holy water fonts at kanila na ring nilagyan ng plastic ang mga ito na makikita sa pinto at pasukan ng bawat simbahan.
Pinaaalalahanan din ng CBCP ang mga mananampalataya na iwasan na rin muna ang paghalik o paghawak sa mga imahen upang makaiwas sa mabilis na kumakalat na sakit.
Upang makaiwas na rin sa COVID-19 ay sinabi ni Gatdula na ang mga malalaking imahen ay pansamantala na munang ikinordona habang ang mga maliliit namang mga imahen ay pansamantala ring itinago sa kanilang storage room upang hindi na mahawakan at mahalikan ang mga ito.
Gayundin ang banal na rebulto ni St. Therese na matatagpuan sa labas ng simbahan ay nilagyan na rin ng barriers para hindi na malapitan ng mga deboto ngunit puwede pa rin ipagpatuloy rito ang pagdarasal ng mga mananampalataya.
Ayon kay Gatdula, pinag-iisipan din ng simbahan na lagyan ng mga palanggana, sabon at sanitizers sa paligid ng naturang simbahan bilang wash area para sa mga taong ayaw nang magpunta sa mga comfort rooms upang maghugas ng kamay na pinakamagandang dapat na gawin upang makaiwas sa sakit na COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ