TUTOL ang ilang senador na pagbawalan ang mga senior citizen na makalabas ng kanilang tahanan.
Ang pahayag ni Senador Panfilo Lacson ay kaugnay sa mga bagong patakarang ipinalabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATf-EID) na kung saan mananatiling sa bahay ang mga senior citizen o may edad 60 anyos pataas
Ani Lacson, maraming senior citizens ang malusog pa ang pangangatawan at malakas ang immune system kumpara sa mga mas bata ang edad sa kanila.
Si Lacson na isa ring senior citizen ay nagyabang na kung ikukumpara sa kanyang mga staff ay mas malakas siya sa mga ito.
“Just to give credence to my argument: Ang ibang male Senate staff ko nga na ‘di hamak na mas bata kesa sa akin, hindi makasabay sa akin pag gumagamit ako ng stairs paakyat sa sixth floor office ko. ‘Yung iba naman, laging may sipon at laging uubo-ubo. Samantalang ako, laging malakas ang immune system,” giit ng Senador
Sa panig naman ni Senador Sonny Angara, dapat na mas maging maluwag na ang patakaran sa seniors at mga kabataan sa sandaling alisin na ang lockdown at ipatupad na ang ‘new normal’ sa mga darating na araw.
Sa nasabing guidelines, maaari nang magbukas ang ilang establisimiyento sa sandaling isailalim na sa general community quarantine ang buong Luzon, subalit mananatiling nasa kanilang mga tahanan ang mga kabataang may edad 20 pababa at senior citizens na may gulang 60 pataas.
Kaugnay nito, sinabi ni Angara na nakatanggap siya ng napakaraming reklamo mula sa mga senior na anila’y tiyak na maaapektuhan ang hanapbuhay kung mananatili silang ‘stay at home’ sa ilalim ng GCQ guidelines.
“Marami sa seniors natin, naninirahang mag-isa o kaya’y hiwalay sa kani-kanilang pamilya. Kung pagbabawalan natin silang lumabas kahit man lang sa pagbili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot, mas malaking problema ‘yun,” ani Angara.
Aniya, bagaman naiintindihan niyang mapanganib sa senior citizens na dapuan ng malulubhang karamdamang hatid ng COVID-19, dapat ding siguruhin ng mga kinauukulan na naibibigay sa kanila ang kanilang mga pangangailangan liban pa sa pangangalaga at proteksiyon.
Mababatid na ang yumaong ama ni Angara na si dating Senate President Edgardo Angara ang awtor ng RA 7432 o ang Senior Citizen’s Act of 1992 – ang batas na nagsasaad sa mga obligasyon ng estado sa mga nakatatandang mamamayan nito.
Nakasaad pa rin sa naturang batas ang mga benepisyo at pribilehiyo para sa seniors, na pinalawak naman ng RA 9994 noong 2010 sa pangunguna ng nakababatang Angara bilang isa sa mga may-akda. VICKY CERVALES
Comments are closed.