TAYONG mga Pilipino ay kilala sa pagkakaroon ng matatag na kalooban at positibong pananaw sa pagharap sa mga suliranin at pagsubok.
Sa kabila ng epekto ng pandemya, mga kalamidad, at pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo, nakukuha pa ring ngumiti ng mga Pilipino at ngayong patuloy ang paghina ng piso kontra dolyar, sinusubukan pa rin nating makita ang positibong mga bagay na maidudulot nito.
Noong ika-23 ng Setyembre, muling bumaba ang halaga ng piso sa P58.50 kada dolyar. Ito ang pinakamalaking pagbaba na naitala sa kasaysayan. Batay sa datos, huli itong bumaba sa kaparehong lebel sa halagang P56 kada dolyar noong Oktubre 2004, at noong mga buwan ng Hulyo at Agosto ng taong 2005. Subalit kung paghahambingin ang sitwasyon noon sa sitwasyon ngayon, mas mabilis ang naging pagbaba ng halaga ng piso sa kasalukuyan – isang bagay na hindi lang naman sa ating pera nangyayari.
Hindi lamang piso ang nakararanas ng mabilis na pagbaba ng halaga kontra dolyar. Upang maintindihan kung bakit, kailangang suriin at tingnan ang sitwasyon gamit ang mas malawak na perspektibo. Bagaman walang tinatawag na “global currency”, ang dolyar ang pangunahing perang ginagamit ng iba’t ibang mga bangko, korporasyon, at mga bansa sa mga transaksyon dahil sa likas na katatagan nito. Bunsod nito, anumang polisiya ang ipatupad ng US Federal Reserve o ng bangko sentral ng Amerika bilang tugon sa mga pangyayari sa ekonomiya nito ay magkakaroon din ng epekto sa ibang bansa kabilang na ang Pilipinas.
Ayon sa mga eksperto, ang pagpapatupad ng sunud-sunod na pagtaas sa interest rate ng US Federal Reserve ang dahilan ng pagbaba ng halaga ng piso at ng iba pang pera. Mula sa 0.5% noong Pebrero, mabilis itong tumaas sa 2.5% noong nakaraang buwan ng Agosto. Kasalukuyan kasing mataas ang antas ng inflation sa America kaya itinaas ng US Federal Reserve ang interest rate sa bansa. Kapag mataas ang interest rate, mas matutulak ang mga taong naninirahan sa Amerika na magtabi ng pera sa halip na gumastos.
Isa rin itong mekanismo na ginagamit ng mga bansa upang hikayatin ang mga imbestor na magpasok ng pera rito. Dahil mataas ang interest rate sa Amerika, maraming mga dollar investment ang iniaalis sa Pilipinas at iba pang bansa at bumabalik sa Amerika upang samantalahin ang mataas na interest rate dito. Ang pagbabalik ng dolyar sa Amerika ang siyang dahilan ng mabilis na pagbaba ng halaga ng pera ng ibang bansa kontra rito.
Bagaman tila mukhang masamang balita ang sunud-sunod na pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar, hindi naman daw dapat mangamba dahil bukod sa ito ay pansamantalang sitwasyon lamang, mayroon ding ilang sektor ng ating ekonomiya na nakikinabang sa paglakas ng dolyar. Tataas ang kita ng mga kompanyang nasa industriya ng export dahil dolyar ang karaniwang ginagamit nitong pera sa mga transaksyon sa mga kumpanya sa ibang bansa.
Isa rin sa magandang epekto ng paglakas ng dolyar kontra piso ay ang pagtaas ng mga cash remittance mula sa mga overseas Filipino workers (OFWs). Dahil mataas ang halaga ng dolyar, sinasamantala nila ito at nagpapadala ng mas malaking halaga sa kanilang pamilyang narito sa Pilipinas. Sa katunayan, kung ang isang OFW ay nagpapadala ng $1,000 US dollars sa kanyang pamilya kada buwan, ang paglakas ng dolyar ay nangangahulugang kahit hindi nito taasan ang dolyar na ipinadadala sa pamilya, tataas parin ang halaga nito kapag ipapalit na ng pamilya sa piso.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang mga OFW remittance na dumadaan sa mga bangko sa bansa ay tumaas ng 2.3%. Kung ikukumpara sa $2.85 bilyon noong Hulyo 2021, ito ay tumaas sa $2.92 bilyon nitong Hulyo 2022. Ito ay epekto ng pagtaas ng halaga ng dolyar kontra piso.
Ang BSP bilang pangunahing ahensyang may kontrol sa interest rates sa bansa ay mayroong mga ginagawa upang kontrahin ang mga epekto ng pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar. Nagpapatupad ito ng mga polisiyang makapagpapataas ng interest rate sa bansa upang pataasin ang demand para sa piso. Kapag itinaas ang interest rate, mahihikayat ang mga investor na magpasok ng pera sa bansa. Ang pagtaas sa demand para sa piso ay makatutulong sa pagpapalakas nito.
Batay sa datos, kasabay ng muling pagbaba ng presyo ng piso noong ika-Setyembre 22 ay muli ring nag-anunsyo ng pagtaas ng interest rate ang ang BSP ngayong taon. Mula sa 2% noong Pebrero, ito ay nasa 4.25% na sa kasalukuyan.
Nakapapanatag naman ng kaloobang malaman na hindi naman pala talong talo ang ekonomiya ng Pilipinas sa sunud-sunod na pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar dahil mayroong mga sektor na nakikinabang sa sitwasyong ito. Hindi man natin kontrolado ang nangyayari sa ekonomiya ng US na siyang nakaaapekto sa halaga ng piso at sa ating ekonomiya, mayroong ginagawang pamamaraan ang BSP upang kontrahin ang epekto nito. Tama ang mga eksperto, hindi tayo dapat mangamba dahil bukod sa ito ay pansamantala lamang, nariyan ang pamahalaan na sumisigurong lalabanan ang pagbaba ng halaga ng ating piso.