PABOR nga ba sa bansa ang paghina ng piso laban sa dolyar?
Ayon kay Jack Madrid, pangulo ng Information Technology-Business Process Management (IT-BPM), pabor sa Pilipinas ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar, gayundin sa mga pera mula sa Asia Pacific at iba pang mga bansa.
Ito, aniya, ay sa kadahilanang ang karamihan sa kasalukuyang negosyo ay nagmumula sa North America (70 porsiyento) at paniwala niya na ang bahaging iyon ay magpapatuloy at mananatili habang ang 15 porsiyento namang bahagi ng negosyo ay mula sa rehiyon ng Asia Pacific.
Sa kanyang analisa, ipinaliwanag ni Madrid na ang bilang ng mga full-time na empleyado sa sektor ay nakikita rin na tataas ng hanggang 2.5 milyon sa taong 2028 mula sa 1.44 milyon na naitala noong taong 2021 at ito ay batay sa projection mula naman sa business group.
Anya, ang sector ng IT-BPM sa bansa ay nasa tuktok ng isang bago at kapana-panabik na panahon at ang hinaharap na tagumpay na naghihintay sa atin ay unti-unti nang namamalas sa pinakamaliwanag na pangyaring nagaganap.
Kakakailan ay hindi nakatakas ang Pilipinas sa pandaigdigang pagbaba ng halaga ng piso habang ang US dollar juggernaut ay lumakas at tumaas ng isang sentimo upang magsara sa P58.98 kontra sa US$1 hanggang lumampas pa sa P59 kontra US$1 at umabot sa antas na P59.02 kontra naman sa US$1 sa trading.
Senyales ito, ayon kay Madrid, na unti-unting magtatagumpay ang negosyo sa mga susunod na panahon at nakikita ang indikasyon ng pagtaas ng koleksiyon sa buwis mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Si Finance Secretary Benjamin Diokno ay inatasan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbng’ Marcos, Jr. na mas paigihin at palakasin ang tax information drive ng BIR at BOC upang mangalap ng karagdagang buwis para madagdagan ang pondong kinakailangan ng bansa, partikular sa mga makabuluhang proyekto ng bansa.
Si BIR Commissioner Lilia Guillermo ay inatasan ni Presidente Bongbong na panumpain sa ngalan niya ang mga bagong talagang opisyal ng Kawanihan bilang mga bagong Presidential appointees.
Ang mga ito ay kinabinbilangan nina BIR Regional Directors Douglas Rufino (Calasiao), Christine Chua (Cordillera Administrative Region), Thelma Milabag (Tuguegarao), Jonathan Jaminola (San Fernando, Pampanga), Gerry Dumayas (Caloocan City), Albino Galanza (City of Manila), Mahinardo Mailig (Quezon City), Edgar Tolentino (East NCR), Jethro Sabariaga (Makati City), Dante Aninag (South NCR), Greg Buhain (CaBaMiRo), Claire Corpus (LaQueMar), Vic Cadangen (Legaspi City), Joseph Catapia (Iloilo), Josephine Virtucio (Bacolod) at maraming iba pa – kabilang na ang mga bagong talagang Deputy Cmmissioners, Revenue Service Chief at Large Taxpayers Assistant Commissioner Maridur Rosario.
Sa kanilang collection report kay Presidente Marcos, sinabi nina Secretary Diokno at Commissioner Guillermo na nakamit ng BIR ang kanilang tax collection goal para sa buwan ng Setyembre, at bagama’t mahihirapan silang makuha ang total tax goal mula buwan ng Enero hanggang Disyembre, sisikapin pa rin nilang maabot ang iniatang sa kanlang goal ngayong fiscal year.
Ang halagang nalikom ng BIR at BOC ay pumalo sa halos 9.78% at nahigitan ang koleksiyon ng taong 2020 at 2021.
Indikasyon ito na unti-unti nang gumaganda ang takbo ng ekonomiya at kalakalan sa bansa.
Sa nasabing panunumpa ng mga bagong opisyal ng BIR, umapela si Deputy Commissioner for Operations Romeo Lumagui, Jr. sa mga newly-appointed regional directors na mas galingan pa ang pangangalap ng karagdagang buwis at pag-ibayuhn pa ang tax collection performance nang sa gayon ay mapalaki ang kontribusyon ng Rentas sa pagdagdag ng budget ng Marcos administration para sa bayan.
Ilan pa sa ‘top collectors’ na pinarangalan dahil sa magandang ‘collection performance’ ay sina Bethsheba Bautista (West Makati), Arnulfo Galapia (Manila), Rodel Buenaobra (Novaliches), Antonio Ilagan (South QC), Deogracia Villar, Jr. (Pasig City), Abdullah Bandrang (North-QC) at maraming iba pa.
(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag- email sa [email protected].)