NAGPAABOT ng pagbati si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kay Barangay Ginebra resident import Justin Donta Brownlee kasunod ng paggagawad dito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Filipino citizenship.
“You are now a Filipino. We hope that you will be a good citizen and an excellent example for our people, especially the youth. Lead the Philippine Gilas team to victory in the FIBA World Cup Qualifiers,” ang mensahe ng lider ng Kamara sa naturang star player, na binansagan ng Filipino basketball enthusiasts bilang ‘Justin Noypi’.
Nabatid kay Romualdez na nitong nakaraang Huwebes, Enero 12, nang ganap na pirmahan ni Presidente Marcos ang Republic Act (RA) No. 11937, na nagsasaad ng pagiging isang naturalized Filipino citizen ni Brownlee.
Ayon pa sa House Speaker, matapos ang pag-apruba ng Chief Executive sa RA 11937, kinakailangan na lamang ng 34-year forward na makapanumpa ng katapatan sa bansa at makakuha ng certificate of naturalization sa Bureau of Immigration (BI) para ganap na itong maging isang Pilipino at lehitimong maging kasapi ng Philippine national basketball team.
Sinabi ni Romualdez na ang itinatakda ng RA 11937 ay base sa House Bill (HB) No. 6224 na inaprubahan ng Kamara wala pang dalawang buwan ang nakararaan kung saan bukod sa kanya, ang iba pang naging principal authors nito ay sina Cavite Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga, Jr., Manila Rep. Irwin C. Tieng, Laguna Rep. Dan S. Fernandez at Davao City Rep. Paolo Z. Duterte.
Nauna rito, pinuri ni Romualdez si Brownlee sa sinseridad na magkaroon ng Filipino citizenship dala na rin ng pagnanais nitong mapabilang at makatulong sa national team na mapagtagumpayan ang pagsabak sa nalalapit na FIBA World Cup, na gaganapin dito mismo sa bansa.
ROMER R. BUTUYAN