(Ni CT SARIGUMBA)
MAULAN ang paligid. At kapag maulan ang paligid ay maaari tayong dapuan ng iba’t ibang sakit na nagkalat sa paligid. Para may panla-ban ang katawan, kailangang malakas ang ating resistensiya. Para mapalakas naman ang resistensiya, importante ang pagkain ng masus-tansiya.
Ngayong tag-ulan, dapat nating iwasan ang pagkain sa mga fast food at street food nang maiwasan ang stomach infection.
Isa pa naman ang indigestion sa madalas na nararanasan ng isang tao kapag maulan ang paligid at hindi naging maingat sa pagkosumo ng pagkain at inumin.
Kaya ngayong tag-ulan nang maiwasan ang iba’t ibang sakit at mapanatiling malakas ang pangangatawan, narito ang ilang pagkaing dapat kahiligan o isama sa ating diet:
IBA’T IBANG PRUTAS
Mapalakas ang pangangatawan, iyan ang kailangan nating siguraduhin kapag basa ang paligid. Madali kasing humina ang ating resistensiya at puwede tayong dapuan ng iba’t ibang sakit kapag maulanan.
At upang mapanatiling malakas ang pangangatawan o maibalik ang nawalang lakas, kahiligan ang mga prutas gaya ng manga at mansanas.
Maraming benepisyo ang manga kaya’t tamang-tama itong kahiligan, hindi lamang ng mga matatanda gayundin ng tsikiting.
Low-calorie fruit ang manga at mataas ang taglay nitong fibre. Nagtataglay rin ito ng vitamin A, vitamin C, folate, B6, iron, kaunting calcium, vita-min E at zinc.
Mainam ding source ng antioxidants ang manga.
Samantalang ang mansanas naman ay mabuti sa katawan. Nutritious ito at mainam kahiligan ng mga taong nagpapapayat o nagbabawas ng timbang dahil sa taglay nitong fiber. Mainam din ang naturang prutas sa puso.
Ilan lamang iyan sa benepisyo ng manga at mansanas. Kaya naman, isama na ito sa diyeta lalo na ngayong makulimlim ang paligid.
DRY FRUIT AT FOOD
Masarap nga namang kumain nang kumain kapag tag-ulan. Sa ganitong panahon ay madali nga naman tayong magutom.
Pero hindi lahat ng pagkain ay mainam kahiligan kapag malamig ang panahon o kapag tag-ulan. Kapag mainit ang panahon, nahihilig tayong kumain ng mga matubig na prutas gaya ng watermelon. Ngunit hindi ito mainam kahiligan kapag maulan ang paligid. Mainam kung mga dry fruit ang isasama sa diet.
Iwasan din ang mga juice na itinitinda sa tabi-tabi o kalye lalo’t hindi natin natitiyak ang tubig na ginamit dito at kung malinis ba ito.
Mas mainam kahiligan ang mga dry category ng pagkain gaya ng corn, oats, barley at whole wheat.
ALMONDS
Mahilig din tayong magpapak ng pagkain. Halimbawa kapag nagtatrabaho o nanonood ng telebisyon, nais nating may nginangata o nginunguya-nguya. Pero dapat nating iwasan ang junk food dahil hindi talaga ito mainam sa katawan.
Mainam kung almonds ang isasama sa diyeta dahil mainam itong source ng protein kaya’t mainam ito sa kalusugan. Nakapagpapa-enhance din ito ng digestive fire, napananatili ang level ng sugar at panlaban sa iba’t ibang sakit.
LOW SALT FOOD
Masarap nga naman tayong kumain at magluto.
Madalas ay matataba at maaalat na pagkain ang inihahanda natin sa ating pamilya.
Oo nga’t masarap ang mga nabanggit na pagkain ngunit hindi lamang ito kapag tag-ulan kailangang iwasan kundi sa kahit na anong panahon.
Nakasasama sa katawan ang masyadong maalat, matamis at mataba kaya dapat lang itong iwasan.
TUBIG
Higit sa lahat at ang pinakamahalagang dapat nating kinahihiligan ay ang pag-inom ng maraming tubig.
Kapag malamig ang panahon ay hindi tayo nakadarama ng uhaw.
Gayunpaman, uminom pa rin ng maraming tubig nang mapanatiling hydrated ang katawan at maiwasan ang iba’t ibang infections at sakit kapag tag-ulan.
Mainam din ang pag-inom ng herbal tea na may ginger, cinnamon at black pepper.
Maging maingat tayo ngayong malamig ang panahon lalong-lalo na pagdating sa pagkain.
(photos mula sa bbcgoodfood.com, stylecraze.com, esthealthmag.ca)