UMPISA pa lamang ng pangangampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at sampu ng kanyang mga kasama sa partido, tahasan na nitong isinusulong ang konsepto ng unity o pagkakaisa bilang susi sa pag-unlad at pag-angat ng bansa.
Sa ginanap na President’s Night ng Manila Overseas Press Club (MOPC) kamakailan, muling binigyang-diin ni PBBM sa kanyang talumpati ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagbangon at muling pagpapalago ng ekonomiya. Aniya, ito ay nagsisilbing gabay ng administrasyon sa mga plano at istratehiya nito.
Hindi maitatanggi ang kahalagahan ng mga puntong binanggit ni PBBM ukol dito. Ako’y lubos na sumasang-ayon sa kanyang mga sinabi ukol sa kahalagahan ng pagkakaisa sa pagpapaigting ng mga umiiral na samahan at sa pagbuo ng mga bago, lalo yaong magiging malaking tulong sa paglago ng ating ekonomiya sa paglipas ng pandemyang ito.
Kailangan ding mabigyan ang mga Pilipino ng pagkakataong linangin at paigtingin ang kanilang kahusayan at kakayahan. Sa ganitong paraan, mapapabuti rin ang posisyon ng mga Pilipino sa mundo. Kung ang bawat isa sa atin ay magsusumikap na gawin nang maayos ang trabaho at responsibilidad, mas magiging mabilis ang pag-unlad ng bansa.
Binigyang-diin din ni PBBM na para sa kanyang administrasyon, ang konsepto ng pagkakaisa ay hindi lamang isang idealismo, kundi isang mithiin. Inaasam nyang makita na magkakasundo ang mga Pilipino at nagtutulungan. Sabay-sabay na aangat at uunlad, at walang sinumang maiiwan.
Isa rin sa mga layunin ng administrasyon ang masiguro na ang bawat Pilipino sa bawat sulok ng ating bansa ay hindi lamang basta nakararaos sa kada araw, kundi may pagkakataon ding umangat sa buhay. Ang kailangan ng mga tao ay pag-asa upang maniwala sa posibilidad na maaaring umunlad ang kanilang buhay, anuman ang kanilang kasalukuyang estado.
Ibinahagi rin ni PBBM na isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon ang siguruhing may sapat ng pagkain ang bansa. Sa pamamagitan ng Department of Agriculture na kanya ring pinamumunuan kasabay ng pagiging Pangulo ng bansa, nabibigyan ng mga punla at mga fertilizer na may mataas na kalidad ang ating mga magsasaka. Nagpapamahagi rin sila ng post-harvest machineries gaya ng mga truck, at iba pang mga kagamitang makatutulong upang maging mas produktibo ang mga ito at magkaroon ng mas mataas na kita.
Batid ang kahalagahan ng imprastraktura sa pag-unlad ng ekonomiya ng isang bansa, ipagpapatuloy rin, aniya, ng administrasyon ang mga plano ukol sa mga proyektong imprastraktura ng bansa na inumpisahan ng Duterte administration. Sa katunayan, ang dating ‘Build Build Build’ ay kinikilala na ngayon bilang ‘Build Better, More’ o BBM.
Kabilang din sa binanggit na prayoridad ng administrasyon ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Napatunayan na sa maraming pagkakataon ang magandang dulot ng pagtutulungan ng dalawang sektor na ito. Isang magandang halimbawa ay ang pag-sanib pwersa ng pamahalaan at ng Meralco sa pagtugon sa pandemyang COVID-19. Pinailawan ng Meralco ang mga gusaling ginamit bilang COVID-19 facility na sakop ng prangkisa nito. Tumulong din ang kompanya sa pagtutulak at paglulunsad ng programa sa pagbabakuna ng bansa.
Maraming imprastraktura rin sa bansa ang bunga ng inisyatiba ng pribadong sektor at suporta ng pamahalaan gaya ng Cebu Cordova Link Expressway (CCLEX) na proyekto ng Cebu Cordova Link Expressway Corporation (CCLEC), isang sangay ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC). Ang CCLEX ay bagong tulay na may habang 8.9 kilometro at nagdudugtong sa mainland Cebu mula sa Cebu City patungong Mactan Island. Ang pagbubukas nito noong nakaraang buwan ay agad na nakatulong sa turismo at ekonomiya ng Cebu.
Ilan lamang ito sa mga magagandang bunga ng pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Ang pagpapaigting nito ay tiyak na magpapabilis sa pag-unlad ng bansa. Kabilang din dito ang kahalagahan ng pakikiisa ng mamamayan sa mga plano at adhikain ng pamahalaan upang mas lalong lumago ang ating ekonomiya.
Sabi nga ni PBBM, ang pag-unlad ng bansa ay hindi makakamit kung isang tao o isang samahan lamang ang magsusumikap para rito. Ito ay isang bagay na kailangan pagtulungan ng lahat ng mamamayang Pilipino. Sa puntong ito, hindi na dapat mahalaga kung sino ang ibinoto noong nakaraang eleksiyon. Kabilang man o hind sa P31 milyong botong nag-upo kay PBBM sa posisyon, ang dapat na gawing prayoridad sa kasalukuyan ay ang muling pagbangon at pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas.