PAGKAKAISA SA SWIMMING PANAHON NA — SLP, COPA

swimmers

NAGKAKAISA ang mga lider ng Swim League Philippines (SLP) at Congress in Philippine Aquatics, Inc. (COPA) — dalawa sa pinakamalalaki at organisadong swimming association sa bansa — na napapanahon na kumilos at magkaisa ang buong swimming community upang makamtan ang tunay na pagbabago at kaunlaran sa sport.

Iginiit ni COPA Board member at collegiate coach Chito Rivera na makatutulong sa pagbuo ng maayos at organisadong National Sports sa swimming ang pagsasama-sama ng lahat ng stakeholders upang marinig ang lahat ng boses at mahimay ang mga prayoridad na pangangailangan upang maisulong ang tamang programa na nakatuon sa kaunlaran ng sport at pag-angat ng kalidad ng talento ng kabataang Pinoy na maisasabay sa high-level international competition.

“Tapos na ang mga bangayan na ‘yan. Wala nang pilian ng kulay at pagkakawatak-watak. I suggest, magkaroon ng swimming Summit para lahat mapakinggan at mabigyan ng pansin. Wala dapat maiwan lalo’t iisa lang naman ang gusto nating mangyari sa swimming. Let’s be sincere. Let’s step forward going to one direction,” pahayag ni Rivera, binuo ang COPA kasama ang mga premyadong pangalan sa industriya tulad nina Richard Luna, Darren Evangelista at Olympian at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain.

“The recent FINA decision withdrawing the recognition to the Philippine Swimming, Inc. (PSI) is a gift for the swimming community. Pero hindi natin maitatanggi na nakalulungkot ito para sa ating bansa dahil umabot pa sa ganitong sitwasyon ang lahat para lang mabigyan ng daan ang pagbabago. Ngayon, patunayan natin na magagamit natin ito para sa kapakanan ng mga atlta at coaches sa swimming sa pangkalahatan,” sambit ni Rivera, head coach ng Jose Rizal College swimming squad.

Kinatigan ni SLP president Fred Ancheta ang mga tinuran ni Rivera at iginiit na patuloy na makikiisa ang kanilang asosasyon na may kabuuang mahigit 100 member cluba at associations sa anumang magiging desisyon ng binuong Stabilization Committee ng FINA sa gabay ng Philippine Olympic Committee (POC).

“Mula nang mabuo ang SLP sa gabay ng namayapang Susan Papa at ng aming chairman na si Joan Mojdeh, nakatuon kami sa grassroots development program. ‘Yung politika, hahayaan po namin ‘yan sa mas nakakaunawa sa mga sitwasyon. Susuportahan namin ang mga pagkilos para maisulong ang pagbabago, ngunit hindi kami bibitiw sa adhikain naming maitaas ang kalidad ng swimming sa grassroots level,” sabi pa ni Ancheta.

Sa mahigit isang dekada na programa, nakapag-produce ang SLP ng mga kabataan na kasalukuyang namamayagpag sa international scene tulad nina World Junior Championship semifinalist at National junior record holder Jasmine ‘Water Beast’ Mojdeh, Aminah Bungabong, collegiate phenom Hugh Parto, Yohan Cabana at Marcus DeKam.

Sa panig ng COPA, hindi lamang mga kabataang may kakayahan sa buhay ang mga napagsisilbihan kundi maging ang mga mag-aaral sa mga pampublikoong eskwelahan na libreng nakakasali sa programa na binuo ni Cong. Buhain.

Sa maikling panahon, nakipagtambalan na ang COPA sa LGUs at sa Department of Education (DepEd) para sa nationwide program ng COPA kaakibat ang coaches at teachers education program.

CLYDE MARIANO