PAGKAKALOOB NG CASH AID, TULONG TRABAHO SA OIL SPILL-AFFECTED TOWNS MADALIIN!

NITONG nakaraang buwan, dumanas ng matinding pagsubok ang lalawigan ng Oriental Mindoro, partikular ang siyam na munisipalidad nito.

Ito ay matapos lumubog sa katubigan ng bayan ng Naujan ang oil tanker na MT Princess Empress nitong Pebrero 28 habang may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil.

Nitong nakaraang araw, sa tulong ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), natunton ng Philippine Coast Guard (PCG) sa katubigan ng Pola, Oriental Mindoro ang mga labi ng MT Princess Empress.

Kaugnay nito, nangako naman ang owner ng tanker, ang RDC Reield Marines Services na pananagutan nila ang nangyari at nag-obligang gagamitin ang $1B protection and indemnity insurance ng barko para tulungan ang mga apektado.

Nagpadala na rin ng 8-man team ang Japan para tumulong sa paglilinis ng oil spill dahil sa kakulangan natin sa oil blotters, oil snares at oil-proof working gloves para resolbahin ang problema sa mga kumalat na langis sa mga katubigang sakop ng mga apektadong barangay.

Nabatid din natin na pasisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pangunguna ni Secretary Rex Gatchalian, ang cash-for-work program ngayong araw (Marso 15) sa affected municipalities at nakapag-distribute na ng relief goods sa may 19,000 residente ng Oriental Mindoro na apektado ng oil spill.

Sa totoo lang, pangingisda ang ikinabubuhay ng karamihang residente ng mga munisipalidad na ito. At dahil ipinahinto ng mga lider lokal ang pangingisda, dumaranas ngayon ng matinding gutom at hirap ang mga residente na tanging sa pangingisda lamang umaasa ng ikinabubuhay.

Kaya panawagan po natin sa DSWD lalo na kay Sec. Rex at kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma ng DOLE, sana’y mas lalo pa nating agapan ang pagkilos dahil kaawa-awa na ang kalagayan ng ating mga kababayang apektado.

Sa ilalim po ng DSWD, may programa po tayong Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS, habang sa DOLE, mayroon tayong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na maaaring pagkakitaan ng mga mangingisdang nawalan ng hanapbuhay dahil sa oil spill.

Sa pamamagitan ng TUPAD, kikita na sila, makatutulong pa pagbabalik-normal, hindi lang ng kani-kanilang pamumuhay, kundi ng kanilang buong komunidad.

Sa kasalukuyan, nasasailalim sa state of calamity ang may 77 coastal villages ng Oriental Mindoro, kung saan, ayon na rin sa datos ng DSWD ay pinaninirahan ng higit-kumulang 19,500 pamilya.