Naranasan mo na bang mamroblema kung ano ang ipakakain mo sa iyong aso? Ako, araw-araw kong problema yan dahil masyadong matakaw ang malalaki kong aso. At mind you, sobrang mahal ngayon ng dog food. Mas mahal pa sa pinakamahal na bigas. Kung gusto ninyong makatipid, subukan ninyong magluto ng homemade dog food recipes. Pwede rin itong pagkakitaan dahil sa dami ng naloloko ngayon sa pag-aalaga ng may breed na aso, kikita ka ng malaki.
Maraming mapagpipiliang recipe para aso ninyo at pwedeng i-tailor ito sa pangangailangan nila. Malaki man o maliit na aso, pwede.
Ano ang mga ingredients sa paggawa ng homemade dog food? Depende. Pero ito ang mga essentials sa homemade doggy cuisine. Karne – para sa protein at essential vitamins and minerals. Pwedeng fresh, pwede ring frozen; Carbohydrates — grains, at bigas ang ginagamit ko pero minsan, corn. Atay o anumang laman-loob – pag walang karne, pwedeng laman-loob, mas mura kasi lalo na kung nagbabadyet ka. Fiber – para sa overall health at makakatulong ito sa digestion, weight management, at maayos na function ng tiyan, parang tao lang. Healthy fats – para sa energy. Halika na, simulan na natin.
DIY “Old Standard” Ingredients:
* 1 talong na ginayat ng maliliit
* 300 grams dinurog na karne o atay
* 1 1/2 cups ng bigas
* 2 ginadgad na carrots
* 1/2 cup green beans
* 1 tbsp mantika o margarine
* 3 cups tinadtad na kangkong
Paraan ng pagluluto:
Isaing muna ang bigas at isantabi. Igisa ang karne sa mantika hanggang mag-golden brown, at idagdag ang mga gulay. Palamigin. Pwede nang ipakain sa inyong alaga.
Kapag tinatamad ako, ginagawan ko na lang ang mga aso ko ng spaghetti pero dinadagdagan ko ito ng pinalambot na kidney beans o kaya naman ay munggo o tauge para mas matipid. Pero sa totoo lang, ang paborito kong gawin para sa aking doggies at ang Dog Meatballs. Madali kasing gawin at mas handy dahil tuyo. Heto ang mga ingredients:
* ½ kilo harina
* 4 eggs
* 3 slices of bread (putul-putulin)
* 300 grams minced meat o atay na dinurog
* 4 carrots (dinurog)
* 300 grams ng nilagang kalabasa, dinurog
* 2 cups ng oatmeal
* Isang tungkos ng kangkong (chopped finely)
* Konting asin
Paraan ng paggawa:
Pagsama-samahin ang lahat ng ingredients liban sa harina at gumawa ng maliliit na balls. Pagulungin ang mga balls sa harina, at pagkatapos ay i-bake sa 400 degrees F sa loob ng 25 minutes o hanggang maluto.
Ang recipe na ito ang madaling ibenta. Sa nasabing recipe, makakagawa kayo ng mahigit 50 piraso ng meatballs na maibebenta ninyo ng P75 per kilo. Dahil nagtitipid ako, nilalagyan ko ang dog meatballs ng tauge kaya mas marami ang nagagawa ko – at binabawasan ko naman ang carrots. Kadalasan din, yung mga lumang tinapay ang ginagamit ko sa halip na fresh – sa akin yung fresh, ano! Sa sobrang mahal ng dog food – P135-250 per kilo, magiging mabenta ang DIY homemade dog food ninyo. Try nyo itong business. – KAYE NEBRE MARTIN