SA darating na Linggo ay ating gugunitain ang buhay at mga kontribusyon ng dating pangulong Benigno Aquino III habang ating inaalala ang kanyang pagpanaw noong 23 ng Hunyo 2021. Bilang isang bansa, hindi tayo dapat makalimot na magbigay-pugay sa ating mga lider na pumanaw na, sapagkat marami sa kanila ang nagsakripisyo nang labis, nag-alay maging ng kanilang sariling buhay, para sa kapakanan ng bansa at mga mamamayan nito.
Ang ika-15 na pangulo ng bansa, ang kagalang-galang na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, ay naglingkod bilang pangulo ng Pilipinas sa loob ng anim na taon mula 2010 hanggang 2016. Ang kanyang administrasyon ay naghatid ng maraming mahahalagang tagumpay, kabilang na ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa. Mula sa pagiging “Sick Man of Asia” ay naging “Rising Tiger” tayo sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong PNoy. Matapos ang ilang dekada ng mabagal na pag-unlad, tayo ang naging pangalawa sa pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa Asya noong 2014.
Si Pangulong PNoy ay seryoso sa pagpapabuti ng buhay ng kanyang mga kababayan at sa pag-alis ng kahirapan sa bansa. Ipinagpatuloy at dinagdagan pa niya ang pondo ng cash transfer program, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kahit na sa kabila ng matitinding batikos mula sa mga naniniwalang hindi nito tunay na na-empower ang mga mahihirap.
Nilagdaan din ni Pangulong Aquino ang Sin Tax Law noong 2012, na inasahang makakatulong sa pagpopondo ng Universal Health Care program ng pamahalaan noong panahong iyon. Pinagbuti nito ang umiiral na excise tax system sa mga produktong alkohol at sigarilyo at tinugunan din ang ilang isyung pangkalusugan na kaugnay sa pagkonsumo ng publiko ng alkohol at sigarilyo.
(Itutuloy…)