PAGKAPUNO NG MGA OSPITAL KAILANGANG SOLUSYONAN

JOE_S_TAKE

KAMAKAILAN ay nagkaroon ng biglaang pagtaas sa bilang ng positibong kaso ng COVID-19 kada araw. Ayon sa kasalukuyang datos, ang naitalang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 noong ika-2 ng Abril ang pinakamataas sa bilang na naitala mula nang magsimula ang pandemya. Bunsod ng mataas na bilang na dumadagdag na kaso ng COVID-19 kada araw, halos umabot na sa 800,000 ang kabuuang bilang ng kaso nito sa bansa. Ayon sa Department of Health, nasa 135,526 o 17% ang aktibong kaso at sa mga ito, 97% ang naitalang mild case.

Upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa, nagpasiya ang pamahalaan na palawigin ng isa pang linggo ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus. Ang NCR Plus ay kinabibilangan ng Metro Manila at ng apat na probinsyang malalapit dito. Ang mga ito ay ang Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal. Ang ECQ ay nakatakda sanang magtapos noong ika-4 ng Abril.

Bilang resulta ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, muli na namang napupuno ang mga ospital. Maging ang mga malalaking ospital sa Metro Manila ay umaalma na ukol dito.

Noong ika-3 ng Abril ay nagdeklara na rin ang Lung Center of the Philippines (LCP) ukol sa pagkasagad ng kapasidad nito. Ayon kay LCP Public Information Officer Dr. Norberto Francisco, pansamantala nilang inihihinto ang pagtanggap ng mga walk-in na pasyenteng may COVID-19 at ng mga pasyenteng inilipat sa nasabing ospital ng walang koordinasyon o pasabi. Pansamantala rin nilang inihihinto ang pagtanggap ng mga pasyenteng hindi maituturing na emerhensya ang kalagayan.

Ayon pa sa LCP, naabot na ang 100% na kapasidad ng kanilang COVID ward, samantala ang kanilang emergency room ay nasa 200% na. Nilinaw naman ng LCP na sa kabila ng hindi magandang balitang ito, patuloy pa rin ang kanilang pagtanggap ng teleconsultation.

Bunsod ng pagkapuno ng mga ospital sa Metro Manila, maraming pasyente ang nagbakasakali sa mga ospital sa labas nito, partikular na sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon). Bilang resulta ay maging ang mga ospital sa nasabing mga probinsya ay nasa kritikal na rin ang operasyon.

Ang Mary Mediatrix Medical Center sa Lipa City, Batangas ay nagpahayag na rin ng pagkapuno ng kapasidad nito. Ayon sa pahayag ng Medical Director ng ospital na si Dr. Rommel Lojo sa isang panayam sa CNN Philippines, maraming pasyente ang naghihintay sa emergency room sa loob ng ilang oras habang naghahanap ng ospital na maaaring lipatan. Ilan sa kanilang mga pasyente ay mula pa sa Laguna, Cavite, Quezon, Mindoro, at NCR. Ang nasabing ospital ang nag-iisang level three na ospital sa Lipa.

Marami rin sa mga healthcare worker ang naging biktima ng COVID-19 na  nakaapekto sa kakayahan ng mga ospital na tumanggap ng bagong pasyente. Ilan sa mga pampublikong ospital sa Metro Manila na pansamantalang huminto sa pagtanggap ng mga bagong pasyenteng mayroong COVID-19 ay ang National Kidney and Transplant Institute na nag-anunsiyo ukol dito noong ika-25 ng Marso dahil sa pagtaas ng mga bilang ng empleyado nito na nagkaroon ng COVID-19. Gayon din ang sitwasyon ng Philippine Orthopedic Center, na nagpahayag na umabot na sa 117 na empleyado ang nagkaroon ng COVID-19.

Nakalulungkot din ang balitang may mga pasyenteng namamatay habang naghihintay ng ospital na tatanggap sa kanila. May mga ulat din ng mga namamatay sa sariling tahanan. Dapat talagang masolusyonan sa lalong madaling panahon ang suliranin sa pagkasagad ng kapasidad ng mga ospital.

Upang makatulong sa pagtugon sa suliranin ng pagkapuno ng mga ospital, ang Philippine Red Cross (PRC) ay tutulong sa mga mayor ng Metro Manila sa pag-set up ng mga isolation center sa mga paaralan sa Metro Manila. Magandang ideya ito dahil ang mga mag-aaral ay kasalukuyang sumasailalim sa mga online class kaya maaaring gamitin ang mga paaralan bilang pansamantalang isolation center o pagamutan.

“We can be more effective if we can work together for the same purpose,” ang pahayag ni PRC Chairman Richard Gordon sa isang pagpupulong kasama ang mga alkalde ng Metro Manila at ang Metro Manila Development Authority (MMDA). Kasunod nito ay ipinahayag niya ang kapasidad ng PRC na makapaglaan ng ambulansiya, makapag-set up ng mga isolation bed, mga paliguan, at maging mga pagkain.

Nagpahayag naman ng pagpapasalamat si MMDA Chairman Benhur Abalos sa inisyatibang ito ng PRC.

Bahagi rin sa pagtugon sa krisis kaugnay ng kapasidad ng mga ospital, itinutulak naman ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang pagpapabilis ng pagtatayo ng mga modular na pasilidad, mga tent para sa isolation ng mga pasyenteng may COVID-19.

Umapela rin si Sen. Go sa mga healthcare worker sa bahagi ng bansa na may mababang kaso ng COVID-19 na kung maaari ay tumulong sa mga healthcare worker sa mga ospital sa Metro Manila at iba pang lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.

Mabilis ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa kaya dapat ay mabilis din ang ating pagtugon dito.

Kailangan natin ng programa ukol sa pansamantalang paglipat ng mga healthcare worker mula sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19 patungo sa mga hotspot upang matugunan ang suliranin sa kakulangan ng mga staff at healthcare worker na maaaring tumingin sa mga pasyente. Kailangan ding masiguro na sapat ang bilang ng mga supply na kakailanganin upang gamutin ang mga pasyenteng nasa kritikal na kalagayan.

Bagaman magandang ideya ang pagtatayo ng mga bagong pasilidad, marahil mas mabilis at mas madali kung gamitin ang mga gusali na hindi naman ginagamit sa kasalukuyan gaya ng mga paaralan, unibersidad, mga stadium sa bansa, mga proyektong pabahay, at iba pa bilang mga pansamantalang isolation center at pagamutan upang ang mga pasyenteng hindi na makapasok sa mga ospital ay mayroon pa ring mapuntahan.

Kailangan nating tulungan ang ating mga healthcare worker. Kaunti lamang sila kumpara sa kabuuang populasyon ng bansa. Iisa lamang ang pamahalaan at sa kasalukuyan, ang kanilang dapat na pagtuunan ng atensyon ay ang pamamahagi ng mga bakuna, pagkuha ng sapat na dosis para sa lahat, at ang pagsiguro na hindi babagsak ang ekonomiya ng bansa. Tayo, bilang mga ordinaryong mamamayan, ang pinakamarami. Kung tayo ay magiging responsable sa ating kaligtasan at kalusugan, malaking tulong ito sa pagtugon sa krisis na ating kinakaharap. Ito ang hinihingi sa atin ng pagkakataon.

Sakali mang matapos na ang pagpapatupad ng ECQ sa NCR Plus, nais kong hikayatin ang kapwa ko mamamayan na manatili pa rin sa loob ng mga tahanan hanggang wala pang bakuna. Lumabas lamang kung kinakailangan. Hindi natin kailangan ng ECQ, MECQ, GCQ, at kung ano pang uri ng community quarantine mula sa pamahalaan upang malaman kung paano tayo maaaring umiwas sa virus. Kung lahat tayo ay mananatili sa bahay liban na lamang kung kinakailangang lumabas, tiyak na malaking tulong ito sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

4 thoughts on “PAGKAPUNO NG MGA OSPITAL KAILANGANG SOLUSYONAN”

  1. 946606 607380As I web site possessor I believe the content material here is rattling excellent , appreciate it for your hard work. You should keep it up forever! Good Luck. 77202

Comments are closed.