MAYNILA – KASUNOD ng mga nagaganap na pagbabago sa trabaho na nangangailangan ng technologically-adaptive skills, pinulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga career counselor at iba pang human resource development professional ng bansa para sa pagbubuo ng advocacy plan para iangkop ang kakayahan ng mga naghahanap ng trabaho at manggagawa sa mga makabagong teknolohiya.
Sa ginanap na 4th National Career Advocacy Congress sa Legazpi City noong nakaraang linggo, sinabi ni DOLE Bicol Regional Director Exequiel R. Sarcauga na ang career advocacy program ng labor department ay makatutulong sa mga kabataan sa pagbubuo ng desisyon ukol sa pag-aaral at trabaho.
Kanya ring binigyang-halaga ang pangangailangan na makasabay sa ‘Industry 4.0’ o ang Fourth Industrial Revolution na binigyang kahulugan ng bagong teknolohiya na pinagsamang physical, digital at biological world, tulad ng artificial intelligence, 3D at 4D printing, quantum computing, at autonomous vehicles.
Kasabay ng mga pagbabagong ito, dagdag ni Sarcauga, ay ang pagbuo ng kakayahan na kakailanganin para sa paggawa ng dekalidad na produkto at serbisyo na tutugon sa pangangailangan ng labor market.
Batay sa ASEAN in Transformation Report ng International Labor Organization, kanyang sinabi na ang technical upgrade at innovation ay may mahalagang epekto sa trabaho sa susunod na dalawang dekada. Tinatayang 49 porsiyento ng empleyo (o mahigit 18 milyon trabaho) ang nahaharap na i-automate sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique Tutay na sa paglalabas ng Career Guidance Advocacy Plan 2018-2022, mabibigyan ang mga estudyante, guro, naghahanap ng trabaho, out-of-school youth (OSY), magulang, training institutions, academe, at Public Employment Service Office ng angkop at napapanahong kaalaman sa reyalidad ng merkado sa paggawa, lalo na sa kabuuang implementasyon ng K to 12 o ang enhanced basic education law at ang ASEAN Regional Integration. PAUL ROLDAN