BIDANG-BIDANG pinag-uusapan ngayon ang pelikulang Avengers: End Game. Inaasahan kasing sobrang ganda nito. Ito na ang tinatayang pinakahuli sa serye ng pelikula ng Marvel kung saan sama-sama ang superheroes gaya nina Ironman, Captain America, Thor, atbp. Ngunit sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa, ang tunay na bida ay ang mga superhero na nagsulputan ngayong panahon ng kalamidad. Matapos tayong tamaan ng lindol na may lakas na 6.1 magnitude, agad nagpadala ng iba’t ibang klaseng tulong ang mga kompanyang kasapi ng MVP Group of Companies na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan.
Base sa mga ulat ukol sa nangyaring paglindol, sa Zambales ang epicenter nito. Nadama ang lakas nito hanggang sa Metro Manila ngunit ang pinakamalalang naapektuhan ay ang probinsiya ng Pampanga. Sa katunayan, napakaraming larawan at video ang kumalat sa social media kung saan makikita ang tindi ng nangyari sa Clark International Airport. Gumuho ang ilang parte ng paliparan na siyang naging dahilan upang magdeklara ito ng pagsasara sa loob ng 24 oras. Maraming biyahe mula at papunta sa paliparan ng Clark ang nakansela. Ang bayan naman ng Porac, Pampanga ay lubos ding tinamaan ng lindol. Gumuho ang isang supermarket kung saan marami ang napaulat na nasaktan. Mayroon na ring mga napaulat na namatay. Kahabag-habag ang nangyaring ito sa bayan ng Porac.
Suwerteng hindi masyadong naapektuhan ang Metro Manila. Humigit kumulang 10 minuto matapos ang pagyanig ay naideklara na agad ng Meralco na naibalik na nito ang serbisyo ng koryente sa lugar na kanilang kinasasakupan.
Matapos na masigurong normal na ang serbisyo ng koryente sa aming kinasasakupan, agad na itinuon ng Meralco ang pansin nito sa Porac, Pampanga dahil sa mga lumabas na balita sa telebisyon, radyo, at sa social media. Nakalulungkot na ang mapayapang Semana Santa ay nasundan ng ganitong klaseng trahedya. Ang Meralco Networks, sa pamumuno ni Meralco Head of Networks Ronnie Aperocho, ang nanguna sa inisyatiba ng kompanya na magpadala ng tulong sa Porac sa pamamagitan ng pagpapadala ng grupong tutulong sa paghanap at pagligtas ng mga biktima ng lindol sa Porac. Ang nasabing grupo ay pinamunuan ni Engineer Jun Abuel, ang VP or Safety ng kompanya. Bukod pa riyan, nagpadala rin ang Meralco ng 21 na generator set, 42 na floodlight, at dalawang mobile crane.
Ang PLDT naman ay nagbigay ng libreng Fibr Link sa command center ng Porac, Pampanga. Ito ang ginamit ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa komunikasyon patungkol sa naging epekto ng lindol sa kani-kanilang lugar na kinasasakupan. Ang mga ahensiya na nakinabang sa tulong ng PLDT ay ang Department of Health, Philippine Army, Bureau of Fire, Philippine National Police, at ang Office of the Civil Defense. Ang Smart Communications naman ay nagtayo ng mga free-call at charging station upang magamit ng mga rescuer at ng mga pamilya ng mga biktima ng nangyaring paglindol. Ang Maynilad ay nagpadala ng mga tubig na maiinom para sa mga biktima ng lindol at para rin sa mga rescuer sa lugar. Ang PLDT, PLDT-Smart Foundation (PSF), at ang TV5 Alagang Kapatid ay namigay naman ng mga pagkain para sa mga rescuer at mga residenteng apektado ng lindol.
Bukod pa riyan, nagpadala rin ang PSF ng 250 relief packages para sa mga pamilyang biktima. Ang Makati Medical Center naman ay nagpadala ng mga kagamitang pang-medikal para sa Porac District Hospital na naapektuhan din ng lindol. Ang paghahatid ng lahat ng donasyong ito mula sa MVP Group ay pinamahalaan ng NLEX. Si Atty. Mike Toledo, ang chief ng media bureau ng MVP Group at SVP ng Philex Mining, ang namuno sa koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang miyembro ng grupo upang maipaalam sa isa’t isa ang mga tulong na ipadadala ng bawat kompanya.
Ang tanging maganda sa ganitong panahon ay ang makita na handang tumulong ang mga kompanyang kabilang sa pribadong sektor upang maibsan ang epekto ng nangyaring kalamidad sa ating mga kababayan sa Pampanga. Nakagagaan din sa kaloobang makita ang pagtutulungan ng pribadong sektor at ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang masigurong maibabalik sa ayos ang mga nasira at naapektuhan ng malakas na lindol. Ang ganitong klaseng bayanihan ang tiyak na makapagpapabangon nang mabilis sa mga naapektuhan ng kalamidad gaya ng Porac, Pampanga.
Nawa’y ang ginawang ito ng MVP Group ay tularan din ng iba pang kompanya. Magsilbi sana silang halimbawa na kahit hindi mga customer ng bawat kompanya ang lubhang naapektuhan ng kalamidad, agad-agad pa ring nagpadala ng tulong sa mga biktima. Ugaliin sana nating lahat na maging matulungin sa ganitong mga panahon. Hindi mahalaga ang liit o laki, basta galing sa puso ang pagtulong. Naniniwala ako na kung anuman ang ibinibigay mo ay siyang babalik sa’yo. Hindi natin masasabi baka sa susunod na may ganitong sakunang mangyari, tayo naman ang mangailangan ng tulong. Kaya kung may kakayahan naman tayong tumulong, sana ay gawin natin ito. Malaking tulong din ang pagdarasal para sa agarang pagbangon ng mga nabiktima ng kalamidad. Dasal, tulong pinansiyal, serbisyo, kahit anong klaseng tulong iyan, kapag pinagsama-sama, malaki ang magiging epekto para sa ating kapwa.
Comments are closed.