ANG industriya ng pagmimina ay isa sa mga pinakamahalagang sektor na makatutulong sa pagbangon ng ating ekonomiya.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), maging noong kasagsagan ng pandemya na dulot ng COVID-19 ay nakatulong ang nasabing industriya ng halos P102.3 bilyon sa ating 2020 gross domestic product.
Ayon sa Mining and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR, ang produksiyon ng gold, nickel ore, mixed nickel cobalt sulfide, scandium oxalate, chromite, at iron, ay nakapag-generate ng P132.69 bilyon. Samantala, ang kabuuang halaga ng mineral, mga produktong mineral, mga hindi metallic na mineral na ating na-export ay umabot sa $5.2 bilyon.
Ngayong taon, tila aasahan nating mas lumago pa ito. Matatandaang ilang araw bago matapos ang taong 2021 ay niluwagan ng DENR ang restriksiyon nito sa mga open-pit mining activities na apat na taon ding ipinatigil.
Pinahihintulutan ng Pilipinas ang open-pit mining activities bunsod dito, ang ating bansa ang pinakamalaking exporter ng nickel ore sa buong mundo. Subalit ang lahat ng operasyon nito ay ipinasara ng ngayo’y yumaong si dating Environment chief Regina ‘Gina’ Lopez. isang matibay na anti-mining advocate, dahil sa pinsalang dulot nito sa ating kapaligiran at sa kaligtasan ng ating mga mamamayan.
Ang pagbabawal sa lahat ng open-pit mining activities ay nagresultsa sa pagtigil sa ilang mga malalaking proyekto, katulad ng Tampakan Copper-Gold project na proyekto ng Glencore Xtrata at Indofil, bagaman itinigil na ang operason nito noong 2010 dahil na rin sa utos ng lokal na pamahalaan ng South Cotabato. Ang Tampakan Copper-Gold project ay isa sa pinakamalaking foreign direct investment ng Pilipinas na nagkakalahaga ng $5.9 bilyon.
Ang pagre-relax sa restriksiyon sa pagmimina ay malugod na tinanggap ng industriya, pati na rin ni Atty. Michael Toledo, ang chairman ng Chamber of Mines of the Philippines, na nagsabi na ang pagbababa ng restriksiyon ay higit na makatutulong sa pagpapalakas ng investor confidence sa ating bansa.
Ngunit dahil ang mga mineral ay maituturing pa ring ‘public assets’, ang mga desisyon ukol sa isyung ito ay nararapat lamang na masusing siyasatin.
Kaya naman ang responsableng pagmimina ay kinakailangan upang mabigyan ng proteksiyon ang ating kalikasan at maging ligtas ang mga mamamayan dahil hindi natin maipagkakaila na ang pagmimina ay nakapagbibigay ng mas maraming trabaho, oportunidad para sa ating ekonomiya, at kita sa gobyerno.
Bagaman naibalik na ang mga open-pit mining activities, naniniwala akong kinakailangan pa rin ng ating pamahalaan na mas maging matatag sa mga desisyon nito, lalo’t kung ang mga desisyon ay maaaring nakaaapekto sa mga plano at pagpapatakbo ng mga negosyo.
At ang pinakamahalaga sa lahat—kailangan na ng pamahalaan na humanap ng iba pang paraan upang tulungang bumangon ang ating ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.
Kailangan nating gumawa ng sarili nating pagkakakitaan upang tayo ay makabangon, at ang pagluluwag sa polisiya sa pagmimina ay isa lamang sa mga siguradong paraang makakatulong.