HINILING ni Senador Koko Pimentel III sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na itigil ang pagpapalabas ng P1,000 polymer banknotes.
Ayon kay Pimentel, hindi praktikal ang inilabas na bagong banknotes matapos ang paglutang ng hinaing ng mga netizen laban dito.
Naghain din ng resolusyon si Pimentel para magkasa ng imbestigasyon sa BSP dahil sa ginagawa nitong paulit-ulit na pagbabago sa banknotes at coins gamit ang pera ng taumbayan.
Nagtataka rin si Pimentel kung bakit nagpasya ang central bank na gamitin ang Polymer bilang materyales sa bagong pera sa halip na abaca.
Ayon sa senador, makatutulong sana ito sa local manufacturers ng abaca fiber.