PINOPROSESO na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas sa P3 bilyong pondo para sa fuel subsidies ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators kasunod ng pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.
Ayon sa DBM, natanggap na nila ang Special Allotment Release Order (SARO) at ang Notice of Cash Allocation (NCA) para sa Fuel Subsidy Program ng Department of Transportation’s (DOTr) nitong Lunes, September 4.
Natanggap na rin ng ahensiya ang official Joint Memorandum Circular (JMC) at Memorandum of Agreement (MOA) sa parehong araw.
Layon ng programa na mabigyan ng subsidiya ang 1.36 million transport operators at drivers — 280,000 public utility vehicles (PUVs), 930,000 tricycles, at 150,000 delivery units — sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ang mga driver ng modern jeepneys at UV Express vans ay tatanggap ng tig-P10,000, habang ang mga driver ng traditional jeepneys ay pagkakalooban ng P6,500.
Samantala, ang tricycle at delivery riders ay tatanggap ng P1,000 at P1,200, ayon sa pagkakasunod.
Noong nakaraang buwan ay inanunsiyo ng DBM na available na ang pondo para sa programa subalit hindi pa ito maipalabas dahil hindi pa naisusumite ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang mga kinakailangang dokumento.
“The initiative aims to bring some respite to these transportation stakeholders who are currently grappling with the repercussions of heightened fuel prices,” ayon sa DBM.
Kahapon ay inanunsiyo ng mga kompanya ng langis ang panibagong oil price hike simula ngayong Martes.
Ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tataas ng P0.50, diesel ng P1.20, at kerosene ng P1.10.
Ito na ang ika-8 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-9 na sunod para sa diesel at kerosene.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 29, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P14.80 kada litro, diesel ng P9.50 at kerosene ng P6.64 kada litro.