BINIGYANG-DIIN ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go ang kahalagahan ng pagpapalakas ng healthcare system ng bansa, kasabay ng pagpuri sa ginawang pag-upgrade sa mga lokal na pagamutan sa lalawigan ng Iloilo.
Birtuwal na dumalo si Go sa inagurasyon ng Western Visayas Sanitarium and General Hospital (WVSGH) sa Santa Barbara at Don Jose S. Monfort Medical Center sa Barotac Nuevo (DJSMMC), kapwa sa lalawigan ng Iloilo.
Sa kanyang video message, sinabi ni Go na, “Ipinaglaban po natin ito sa Senado dahil alam ko kung gaano ninyo kailangan ito. Sabi ko nga, sa pag-iikot ko sa mga ospital sa buong bansa, nakakalungkot pong makita na nasa corridor na ng ospital ang ibang pasyente dahil walang available na kama. Bukod sa problema kung papaano bibilis ang kanilang paggaling, nagiging isyu na rin po ang hawa an ng sakit pati na rin ang kalusugan at seguridad ng ating mga healthcare workers.”
“Kailangan po talagang bigyang-pansin ang kalagayan ng mga ospital, pasyente at healthcare workers.
Kailangan i-upgrade ang mga ospital, dagdagan ang mga kama at magtayo pa ng bagong mga ospital sa probinsya,” aniya pa.
Nangako rin si Go, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga pamamaraan upang palakasin pa ang healthcare system ng bansa, at tiyaking ang bawat Pinoy ay may access sa de kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Una nang inisponsoran ng mambabatas ang may 39 na local hospital bills, na nilagdaan na ni Pang. Rodrigo Duterte bilang batas, upang mapahusay pa ang kalidad ng serbisyo sa mas maraming public health facilities sa buong bansa. Kabilang dito ang Republic Act 11723, na nagko-convert sa WVSGH bilang isang general hospital na ang espesyalidad ay sa infectious diseases; at RA11725, na nagku-convert naman sa DJSMMC bilang tertiary hospital at nagdadagdag sa bed capacity ng hanggang 300 beds, mula sa dating 100 lamang.
Samantala, may 30 panukala pa na inisponsoran si Go na naipasa na rin sa ikatlong pagbasa sa Senado at naghihintay na lamang ng lagda ni Duterte.
Bilang bahagi naman ng kanyang pagsusumikap na tiyaking ang mga mahihirap at mga indigent patients ay may kumbinyenteng access sa medical assistance programs ng mga relevant agencies, iniakda at inisponsoran rin ni Go ang Malasakit Centers Act of 2019 na nagmamandato sa pagtatatag ng mga Malasakit Centers sa lahat ng DOH-run hospitals, at sa Philippine General Hospital sa Manila City.
Bago pa man naging senador noong 2019, sinimulan na ni Go ang Malasakit Centers program noong 2018. Hanggang sa ngayon, ang programa ay nakapagtatag na ng 151 Malasakit Centers, kabilang ang WVSGH at DJSMMC, at nakatulong na sa mahigit tatlong milyong Pinoy sa bansa.
“Ngayon po, meron ng Malasakit Center na pwedeng malapitan kung saan ay nasa iisang bubong na lang ang mga kinatawan ng DOH, DSWD, PCSO at PhilHealth para magbigay ng tulong. Para po ito sa poor and indigent patients,” paliwanag ni Go.
Binigyang-pagkilala rin ng senador ang medical frontliners ng bansa dahil sa kanilang hindi masusukat na serbisyo at dedikasyon sa trabaho, particular na ngayong panahon ng pandemya.
“In the Senate, I authored and co-sponsored Republic Act 11712 to ensure the continuous provision of allowances to our healthcare workers. Sa ilalim ng batas na ito, mas maraming healthcare workers na ang makakatanggap ng allowance,” ani Go.