PAGPAPANATILI NG KALIGTASAN NG MAMAMAYAN SA PANAHON NG KALAMIDAD

JOE_S_TAKE

BAGAMAN patuloy na dumarami ang nagkakasakit ng COVID-19 sa ating bansa, ito ay hindi nangangahulugan na wala na tayong ibang krisis na kakailanganing pagtuunan ng pansin.

Nariyan ang karaniwang pagdaan ng mga bagyong kadalasang humahagupit sa Filipinas. Nito lamang nakaraang linggo ay dalawang bagyo, na pinangalanang Pepito at Quinta, ang magkasunod na tumama sa bansa. Marami ang nasalanta bunsod ng malalakas na hangin at matinding pagbaha na dala ng mga ito.

Ang bagyong Quinta ay nagdulot ng matinding pinsala sa pamamagitan ng malakas na hangin na tiyak na mararamdaman saan ka man naroroon. Gaya ng dati nang natukoy ng  mga eksperto, ‘di hamak na mas malaki ang pinsala ng mga bagyong may dalang malakas na hangin kung ikukumpara sa mga bagyong may dalang matinding pag-ulan.

Ang epekto ng bagyong Quinta ay lubos na naramdaman sa Bicol at sa ilang bahagi ng Luzon. Ito ang naging dahilan upang pansamantalang lisanin ng mga mamamayan ang kanilang mga tirahan. Tinatayang dalawa ang namatay at 20 ang bilang ng mga hindi pa natatagpuan. Matinding pinsala ang natamo sa Timog na bahagi ng Luzon, kasama ang Metro Manila, kung saan marami ang nakaranas ng matinding pagbaha.

Agad namang umaksiyon ang National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) at nagpadala ng mga grupo na nagresponde sa mga nasalanta ng nasabing bagyo sa rehiyon ng Bicol at sa Luzon. Dinala ang mga nasalanta sa mga evacuation center kung saan sila maaaring manatili pansamantala.

Matinding pag-iingat ang isinagawa ng pamahalaan sa pagsagip sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo. Ang mga nasalanta ay pinaalalahanang magsuot ng mga face mask at inihiwalay sa mga taong may sintomas ng COVID-19. Binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kailangang ipatupad sa mga evacuation center ang mga panuntunan patungkol sa kaligtasan at kalusugan upang makaiwas sa COVID-19 gaya ng pagsusuot ng mga face mask at face shield.

Muli na namang sinubok ng sunod-sunod na pagdating ng krisis ang katatagan ng mga Filipino. Napakatindi ng pinagdadaanan ng bawat isa sa atin at pati na rin ng ating bansa bunsod ng mga hindi magandang pangyayari ngayong taong 2020. Dumagdag pa ang pananalanta ng bagyong Pepito at bagyong Quinta.

Gaya ng iba pang mga kalamidad na dumaan sa bansa, ang Meralco ay handang harapin ang mga ito. Nagpalabas ng abiso ang Meralco para sa mga customer nito patungkol sa mga pag-iingat na maaari nilang gawin sa kani-kanilang mga tahanan sakaling pasukin ito ng mataas na pagbaha, at iba’t iba pang sitwasyon na may kinalaman sa mga panganib na maaaring idulot ng koryente sa panahon ng bagyo.

Ilang  araw bago tuluyang pumasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR), naglabas agad ng pahayag ang Meralco upang siguraduhin sa mga customer nito ang kanilang paghahandang ginagawa sa pagdating ng nasabing bagyo. Inihanda ng Meralco hindi lamang ang mga system nito kundi pati na rin ang mga tauhang inatasang sasagot ng mga tawag ng mga customer sa hotline nito at mga empleyadong reresponde sa mga lugar na mawawalan ng koryente dahil sa pananalanta ng mga bagyo. Nakaabang ang mga crew ng Meralco 24/7 at handang rumesponde sa anumang uri ng report na may kinalaman sa kuryente. Handa rin ang mga ito upang aksiyunan sa lalong madaling panahon ang anumang epekto ng bagyo sa mga pasilidad ng Meralco.

Sinikap ng Meralco na maibalik agad ang supply ng koryente sa mga lugar na mawawalan  ng koryente dahil sa bagyong Quinta. Sa katunayan, maliit na porsiyento lamang ng mga customer nito ang nakaranas ng matagal na pagkawala ng koryente. Halos isang araw lamang ang ginugol ng Networks Team ng Meralco upang maibalik ang supply ng koryente sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo bunsod ng malakas na hanging dala nito.

Hindi nagtatapos ang paghahanda ng Meralco sa pag-alis ng bagyong Pepito at bagyong Quinta. Patuloy itong naghahanda para sa isa pang bagyong napabalitang papasok sa bansa. Hindi pa man opisyal na pumapasok ang bagyo sa ating bansa, pinaghahandaan na ito ng Meralco.

Kaugnay nito, patuloy rin ang Meralco sa paglalabas ng mga abiso ukol sa mga paghahandang kailangang gawin ng mga customer sa pagpasok ng isa pang bagyo. Kasama rito ang pakikiusap sa mga may-ari ng mga billboard at mga malalaking tarpaulin na pansamantalang irolyo ang mga ito upang maiwasan ang pagtama ng mga ito sa mga gusali at pasilidad ng koryente bunsod ng malakas na hangin. Ito ay upang maiwasan ang pagkawala ng koryente  habang kasagsagan ng bagyo.

Nagbigay rin ang Meralco ng mga payo sa mga konsyumer ukol sa paggamit ng mga de-koryenteng kagamitan sakaling tumaas ang tubig sa kanilang lugar.

Una, mahalagang ibaba ang main switch ng bahay o ang main circuit breaker upang pansamantalang pigilan ang pagdaloy ng kuryente sa bahay. Siguraduhing tuyo ang mga kamay bago humawak sa anumang saksakan. Ikalawa, ugaliing tanggalin sa pagkakasaksak ang mga kagamitan. Kung sakaling abutin ang mga ilaw, tanggalin muna ang bombilya ng mga ito.

Ang pagbaha ay karaniwang nagdadala ng putik at iba pang dumi sa loob ng bahay kaya pinapayuhan ng Meralco ang mga customer na tanggalin muna ang mga putik at linising mabuti ang main circuit breaker ng bahay gamit ang gloves at bota na yari sa goma. Patuyuing mabuti ang mga kable at saksakan bago ito gamitin. Ipatingin sa mga lisensiyadong electrician ang mga saksakan at kagamitan upang makasigurong maaari na itong gamitin. Iwasang buksan agad ang mga kagamitang de-koryente na naapektuhan ng baha.

Ugaliing subaybayan ang balita ukol sa mga kalamidad gaya ng bagyo na nakatakdang pumasok sa bansa. Siguraduhing bukas ang linya ng komunikasyon upang hindi mahirapang humingi ng tulong kung sakaling kailanganin ito. Siguraduhing may charge ang mga cellphone, laptop, radyo, at iba pang kagamitang maaaring gamitin sa komunikasyon at sa pagsagap ng mga update ukol sa bagyo.

Sa panahon ng kalamidad, makakaasa ang mga customer na bukas ang linya at handang tumugon sa mga tawag 24/7 ang Call Center ng Meralco sa bilang na 16211. Maaari ring iparating ang mga report sa opisyal na Facebook page at Twitter page ng Meralco.

Comments are closed.