NAGPAHAYAG ng suporta ang International Monetary Fund (IMF) sa plano ng pamahalaan ng Filipinas na magpatupad ng rice tariffication sa halip na rice importation quota system.
Gayunman, binigyang-diin ng IMF ang pangangailangan na pangalagaan ang kapakanan ng maliliit na magsasaka.
“Directors welcomed the progress made by the authorities on structural reforms and encouraged them to deepen the reform efforts in seeking broader economic benefits,” nakasaad sa statement na ipinalabas ng IMF nitong Setyembre 27 kaugnay sa Article IV Consultation sa Filipinas noong nakaraang Hulyo.
Ayon sa mga opisyal ng IMF, sinusuportahan nila ang plano ng gobyerno na palitan ang rice import quota system ng taripa, subalit binigyang-diin na kailangang suportahan ang mga maliliit na magsasaka na maaapektuhan ng reporma.
Samantala, sinabi ng isang opisyal ng Department of Finance (DOF) na ang panukalang rice taffication measure ay may provision na naglalaan ng revenues mula sa rice tariffs para sa maliliit na magsasaka.
“Yes, the version of the bill that the Economic Development Cluster strongly supports includes a Rice Competitiveness Enhancement Fund to be initially funded by the GAA and eventually by the tariff,” wika ni DOF Assistant Secretary Antonio Joselito Lambino.
Aniya, ang bill na inakda ni Senadora Cynthia Villar ay nagkakaloob ng P10 billion annual subsidy, na inisyal na kukunin sa General Appropriations Act (GAA) o sa national budget hanggang sa maging sapat ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para suportahan ang rice sector.
Samantala, ang bersiyon ng bill sa Kamara ay inilalaan naman ang lahat ng tariff revenues sa mga magsasaka.
Inaprubahan na ng mga miyembro ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7735, o ang panukalang Revised Agricultural Tariffication Act, noong Agosto 14. PNA
Comments are closed.