PAGPASOK NG 2 SRI LANKAN BOMBERS SA PHL, ‘DI PA VERIFIED – AFP

SRI LANKAN BOMBERS

CAMP AGUINALDO – PATULOY ang validation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa impormasyong nakapasok na sa bansa ang dalawang Sri Lankan Suicide bombers.

Ayon kay AFP Spokesperson Brig Gen Edgard Arevalo, nakikipag-ugnayan na sila sa ibang ahensya ng gob­yerno para matukoy kung totoo ang impormasyon.

Sa pahayag ni Arevalo sa report lamang ng media nila nalaman ang impormasyon.

Batay sa ulat ng pahayagang The Straits Times sa Singapore, nakumpirma umano nila mula sa watchlist ng Manila International Airport Authority ang pangalan ng dalawang Sri Lanka bombers na sina Mark Kevin Samhoon at Victoria Sophia Sto Domingo.

Sa report, tumungo sa Filipinas ang dalawang foreign terrorists para sa­nayin ang mga local terrorist sa paggawa ng bomba.

Panawagan ni Arevalo sa publiko, manatiling kalmado ngunit dapat ay alerto at i-report aniya sa awtoridad kung may mga kahinahinalang mga bagay o tao.

Samantala, maging si AFP-Northern Luzon Command Spokesperson Maj. Erikson Bolusan ay nilinaw na hindi pa validated ang natanggap nilang ulat na may mga teroristang nakapasok sa Ilocos region.

“Walang dapat ipa­ngamba ang publiko dahil patuloy pang inaalam ng kanilang hanay ang source ng report,” ayon pa kay Bolusan.

Para sa militar, maituturing na “raw information” ang report dahil nabatid na ikinalat lang ito sa social media.

Bukod sa imbestigasyon, inaalam na rin ng AFP kung sino ang nasa likod ng nagpakalat na impormasyon para sa karampatang parusa. REA SARMIENTO

Comments are closed.