PAGPASOK NG BAGONG LINYADA

SABONG NGAYON

ANG dahilan ng pagpasok ng bagong lin­yada ay para pataasin ang kalidad ng ating bloodline o linyada, ayon kay Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp.

“Kapag ang bibitawan mo na amount ay P10,000 pataas, dapat po ay mas quality ang linyada ng iyong bibilhan kaysa sa’yo at dapat ay kursunadang- kursunada mo para ‘di mo sisihin ang breeder na iyong pinagkuhanan,” ani Doc Marvin.

Aniya, hinahakot pa lamang ang iyong pamimilian (inahin at ganador) ay mararamdaman mo na kung ikaw ay gagawing basurahan at ikaw ang may kasalanan kung itutuloy mo ang pagbili sa dahilan na ikaw ay pinakain ng masarap at kalimitan kapag pinakain ng masarap ang kasunod ay kakatayin.

“Ang amount na iyong bibitawan ay dapat nababagay sa iyong manok na babayaran. Ang bumibili po ng manok ay dapat busog o kaya ay may baong  pagkain para malinaw ang paningin at matalas ang pang-amoy at mabilis pumihit papunta sa gate. Bakit ka naman mahihiya ay karapatan mo naman ang tu­manggi lalo na kung ikaw ay magbabayad ng sapat at kung ikaw ay napipilitan lamang na kuhanin ang ibinebenta sa’yo ay uuwi ka na bitbit ang manok na may deperensiya at ikaw naman ay mas malaki ang diperensiya!” ani Doc Marvin.

Anumang bagay ang ating gagawin sa ating mga manok ay dapat kaya natin ipaliwanag kapag may nagsabi ng salitang ‘bakit’ dahil kung ‘di mo kayang ipa­liwanag ay ­maaaring ikasira lang niya ito at ‘yan ang malalang sakit ng Filipino gaya ng great imitator!

Ayon kay Doc Marvin, ang linyada ng manok ay pinangalanan lang at ito ay pare-parehas lang na pawang kapag tinamaan ng tari sa kalinisan ay gapang din naman.

“Sa pagpili at pagbili ng gagamiting materyales ay pag-aralan muna kung ‘di mo pa kabisado, magpasama at magpatulong sa may karanasan at i-ready muna ang paglalagyan para disgrasya ay maiwasan,” ani Doc Marvin.

Dagdag pa niya, buyer ang pipili at hindi ang breeder para satisfied ka sa binili mong manok.

“Palagi namang sugal ang pagpapalahi, walang kasiguraduhan kung ano ang  resulta at kung quality ba ang magiging anak at hindi hawak ng breeder na binilhan mo kung ito ay matatalo or mananalo, pinakamahalaga matalo or manalo basta ito ay kursunada mo at laban mo naman,” sabi pa niya.

“Ang isang sabu­ngero ay pinakamasama po ang pakiramdam kapag natalo ang kanyang manok, lahat ay naaalala niyan lalo ‘yung may sabit at utang sa kanya at ang pawis po niyan ay ‘di kayang pigilan. Opposite naman po kapag nanalo ang kanyang panlaban, anong bait at aliwalas ng mukha na pati taong kinaiinisan niya ay pinapansin at ‘yon ang timing saka mo uli sabitan at ­utangan pero ingat lang baka hindi mo na maisahan. Sari-sari ang kuwento kaya masarap at masaya ang sabong at kung ayaw mong matalo ang iyong manok, ang gamitin mong linyada ay ‘yung best na bloodline, ‘yon po ay ‘yung linyada na ang tawag ay ‘siguradong  mananalo’, ‘yon din po ang linyada na hinahanap ko!” dagdag pa niya.

Comments are closed.