NIRERESPETO ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatan ng mga senador na pumili ng kanilang pinuno.
Ito ang tugon ng Malakanyang hinggil sa napaulat na pagbabago sa liderato ng Senado sa darating na mga araw.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque hindi nababahala ang Palasyo sakali mang magkaroon ng palitan sa liderato ng Senado.
“Hindi po nanghihimasok ang Presidente diyan sa proseso ng pagpili ng bagong Senate President,” paliwanag ni Roque.
Kamakalawa ay napaulat na lumagda sa isang draft resolution ang 14 na senador upang iluklok si Senate Majority Leader Vicente Sotto III bilang susunod na Senate President kapalit ni Senador Koko Pimentel.
Pinaliwanag ni Roque na ang magandang relasyon ng Senado at Malacañang ay hindi mababago kapag nagpalit ng liderato ang Mataas na Kapulungan lalo’t kaalyado rin ni Pangulong Duterte si Senador Sotto.
“Naniniwala po ang Palasyo na kahit sino pong mahalal na Senate President, at ang balita po ay si Senador Tito Sotto, ay napakalapit din pong kaalyado at wala pong magbabago sa malapit na samahan at sa kooperasyon na ngayon po ay mayroon sa panig ng Senado at ng Malakanyang,” dagdag pa ni Roque. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.