LAGUNA – GINAGAMOT ngayon sa Laguna Medical Center (LMC) ang 20-anyos na preso matapos mabaril nang magtangkang pumuga sa bayan ng Pakil, lalawigang ito kahapon ng madaling araw.
Batay sa isinumiteng ulat ni PLt. Christopher Reano, hepe ng pulisya kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang preso na si Eugene Edlagan y Lizano alyas “Palos”, binata, tubong Purok 4, Paete, Laguna.
Alas-4:20 ng madaling araw nang magtangka umanong tumakas ang suspek mula sa Pakil Detention cell dahil sa kinasasangkutan nitong kaso sa droga.
Lumilitaw na nagawa aniya nitong magdahilan na masakit ang kanyang tiyan kung saan habang aktong binubuksan ng nakatalagang jail officer na si PCpl Beaumont Combong ang pintuan ng selda ay tinangka nitong agawan ng baril.
Dahil dito, hindi na nagawa pang makatakas at tuluyang makapanlaban ng suspek matapos na paputukan ito ng mga pulis kung saan nagtamo ito ng tama ng bala sa kanyang kamay at tagiliran samantalang nasa mabuti na itong kalagayan sa nasabing pagamutan.
Ayon sa talaan ng pulisya, sinasabing nahaharap sa iba’t ibang kaso ang suspek matapos makulong ito sa Laguna Provincial Jail may ilang taon na rin ang nakakaraan at nagawa rin aniyang tumakas bago muling naaresto at nakalaya.
Lumipas ang ilang buwan nang masangkot muli ito sa kaso ng pagtangay ng motorsiklo, robbery at ilegal na droga kung saan ito ay naaresto sa bayan ng Pakil. DICK GARAY
Comments are closed.