MAAGANG inihanda ang session hall ng Senado para sa necrological service para sa pagpanaw ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr. sa edad na 85.
Sa ganap na alas-10 ng umaga nagsisimula ang aktibidad na dinaluhan ng mga kaanak at malalapit na kaibigan ng dating pinuno ng Senado.
Pinangunahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III at may-bahay nitong si Helen Gamboa ang pagpaparangalan.
At nagbigay pugay rin sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa, Pia Cayetano, Risa Hontiveros, dating Senators Gregorio Honasan, Robert Jaworski, Wigberto Tanada, Joey Lina, Rene Saguisag, Nikki Coseteng, Heherson Alvarez, Orly Mercado, Luisa “Loi” Estrada at dating Pangulong Joseph Erap Estrada at ganoon din si dating Vice President Noli “Kabayan” de Castro.
Inalala nina Lina, Saguisag, Coseteng, Alvarez, Mercado, Cayetano at Hontiveros ang naging papel ni Pimentel sa kanilang buhay, naging kontribusyon at nagawa para sa bayan at sa mamamayan.
Tinukoy ng mga ito, isa si Pimentel sa lumaban upang maibalik ang demokrasya sa bansa at siya rin ang dahilan kung bakit nagkaroon ng kapangyarihan at karapatan ang mga local government para pamahalaan ang kanilang nasasakupan kung kaya itinuring itong ama ng LGC.
Sa kanyang eulogy, sinabi ni Sotto na si Pimentel ang nagsilbi niyang mentor at laging handang magbigay ng payo kung kinakailangan.
“Familiarity in servicing his colleagues in the Senate to the experience of working with a number of models and icons in public service where Pimentel was a top mentor,” ani Sotto.
Sinabi rin nito, si Pimentel ay isang mapagpasensiyang tao na kung saan ay matiyagang magpaliwanag sa mga senate staff kaugnay sa iba’t ibang isyu na kinakaharap
“His humility, simplicity in style and decorum make us all proud that we were his friends. He will be greatly missed. He had been a leading light of this Chamber, not only in good times but also during trials and darkest moments,” dagdag ni Sotto.
Naging emosyonal si Senador Koko Pimentel nang narinig nitong “snippets of annecdotes and stories” tungkol sa kanyang ama.
“Thank you for helping him achieve his vision and goals as a legislator. Because of your support, he has left landmark legacies such as the Local Government Code and the Cooperative Code of the Philippines, among others,” tugon ni Koko sa ginawang eulogies.
Kasabay nito, iprinisinta ni Sotto ang isang resolusyon ng pagkilala para sa dating pinuno ng Senado at ipagkakaloob ito sa naiwang pamilya ni Pimentel.
Pagkatapos nito, ibibiyahe naman ang labi patungong Cagayan de Oro, saka ibabalik sa Biyernes para sa paghahatid sa huling hantungan. VICKY CERVALES
Comments are closed.