ISINUSULAT natin ito, isang tulugan na lang, turnover of powers na sa Palasyo. At sa pagpapalit ng administrasyon, asahan na natin na marami ring isasailaim sa mga pagbabago, pagrerepaso at kung ano-ano pang mga nararapat na proseso.
Pero tulad ng nauna ko nang tinalakay nitong nakaraang linggo, isa pa rin ang edukasyon sa may pinakamalaking bahagi ng mga gagawing pag-aaral ng susunod na liderato.
Nito ngang nakaraan, naging matunog ang kahilingan ni President-elect BBM kay VP-elect Inday Sara na repasuhin ang ipinatutupad nating sistema sa K to 12.
At dahil isasailalim sa masusing pagrepaso ang K to 12, ang suhestiyon natin, isabay rito ang paukalang Edcom 2 o ang Second Congressional Commission on Education.
Bago pa bumaba sa puwesto si Pangulong Duterte, marami na tayong mga EDCOM advocates na nagsusulong nito at kung hindi man naisabatas sa kasalukuyan ang panukalang ito, naniniwala tayong may pag-asa itong umusad sa administrasyong Marcos.
Tulad ng pagrepaso sa K to 12, layunin din ng EDCOM 2 na magpatupad ng mga reporma sa edukasyon. Nakalulungkot lang kasi — naisabatas man ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o ang Free College Law, marami pa rin sa ating mga graduates ang hirap na makahanap ng trabaho dahil sa kakulangan sa mga kaukulang skills at kaalaman. Kaya itong proposed K to 12 review, pabor tayo rito. Importante ito para sa ating mga kabataan.
Linawin lang natin na hindi kailangang baklasin ang programa – kailangan lang linangin para mas makatulong sa mga mag-aaral natin.
Lumala ang problema natin sa edukasyon nitong dalawang taong paghagupit sa atin ng pandemya. Dahil sa paulit-ulit na lockdowns at pagbawi sa face-to-face classes, nagkaroon ng pananamlay ang mga mag-aaral.
Ito ang ikinatatakot ngayon ng mga business leader na posibleng ang mga susunod na henerasyon ng mga manggagawa o empleyado natin ay hindi handa sa mga papasukan nilang trabaho dahil karamihan, hindi armado ng kakukulang kaalaman.