PAGSABOG SA MAGUINDANAO IN-IIMBESTIGAHAN NA

IED

INALERTO ng armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang mga tauhan hinggil sa mga harassment at mga panggugulo ng mga hindi pa nakikilalang grupo kasunod ng naganap na pagpapasabog ng improvised explosive device (IED) sa lalawigan ng Maguindanao.

Sa ulat, iniimbestigahan na ng 6th Infantry Division ng Philippine Army kasama ang PNP kung sinong grupo o mga indibiduwal ang responsable sa pagpapasabog ng IED sa Brgy. Poblacion Shariff Aguak, ng nasabing lalawigan.

Ayon kay 6th ID spokesperson Major Homer Estolas kama­kalawa ng umaga, isang IED na ipinasok sa utility box ng isang motorsiklo na itinabi lamang sa isang internet cafe ang pinasabog.

Hinihinalang sadyang panggugulo lamang ang pakay ng mga suspek sa pagpapasabog na wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa naturang insidente.

Inaalam na ng awtoridad kung ano ang motibo o target sa panibagong insidente ng pagpapasabog ng bomba.

Sa kabila nito, tiniyak ng ni Estolas na ginagawa nila ang kanilang makakaya upang masupil ang paghahasik ng karahasan ng mga terror group at masiguro ang kapayapaan sa Central Mindanao. VERLIN RUIZ

Comments are closed.