ISANG taos-pusong pagbati kay TATA REY BRIONES sa kanyang pagiging SOLO CHAMPION ng 2018 WORLD SLASHER CUP INVITATIONAL 9 COCK DERBY 2 na ginanap sa Araneta Coliseum.
Ang kanyang entry na GREENGOLD UNO kasama si Rod Advincula ay nagtala ng 7 panalo at isang tabla sa siyam na manok na kanyang inilaban. Isa na marahil sa pinakamahirap na labanan ang paderbing ito na tinaguriang ‘OLYMPICS OF COCKFIGHTING’ kung saan ang pinakamagagaling na magmamanok sa buong mundo ay naglalaban ng kanilang mga alas at pinakanatatanging manok panabong. Ako po ay saksi sa bawat sultadang naganap at talaga namang napakahirap pumili kung sino ang magwawagi dahil lubhang magagaling ang mga sumali rito. Si Tata Rey na sinasabing dehado o underdog laban sa naglalakihang mga pangalan tulad nina Patrick Antonio, Frank Berin, CIto Alberto, Biboy Enriquez, Nene Araneta, Claude Bautista at marami pang iba ay nagpakita ng gilas sa mga manok na kanyang inilaban. Suwerte, sabi ni Tata Rey nang aking kapanayamin subalit ito na ang kanyang pang-apat na titulong WORLD SLASHER CUP CHAMPION.
Mapagpakumbaba, down to earth, one of the boys at napakagaan kasama, ayon sa kanyang mga tauhan nang sila ay magbigay ng kanilang pasasalamat sa titulong kanilang nakamit. Ayon sa kanila, ang sabong ay isang dibersiyon na naging bahagi na ng buhay ni Tata Rey at ang nagawa nito sa kanya ay hindi niya maipaliwanag. Kasiyahan, pantanggal ng stress, pagkakaibigan at pampahaba ng buhay, mga bagay na kanilang napapansin sa tuwing makikita ang kanilang boss kapag bumibisita sa farm.
Tulad ni Tata Rey, libo-libong sabungero ang nangagarap na makapaglaban man lang sa ruweda ng Araneta at kumpleto na ang kanilang pangarap subalit si Tata Rey ay isang sabungerong ‘di sumusuko sa laban. Dagdag niya, malaking bagay ang kabuuan ng kanyang team sa tagumpay na nakamit ng GREENGOLD UNO. Matinding paghahanda, pagpili ng ilalaban, pagkabit ng tari at tutok sa detalye. Dito binigyang-diin din ni Tata Rey ang kontribusyon ng nutrisyon tulad ng Thunderbird na kanyang ginagamit mula pa noon.
Totoong ang makapaglaban sa ruweda ng Araneta ay pangarap ng bawat sabungero, Pilipino man o dayuhan dahil ito na marahil ang kaganapan ng kanilang pagiging sabungero, subalit ang maglaban at maging kampeon ay iba ring usapan.
Alam ba ninyo na ang paghahanda sa labanang ito ay lubhang napakahirap? Dahil bata pa lamang ang mga manok ay pinipili na at inilalaban sa mga stag derby upang makita ang kanilang kakayahan sa malalaking labanan tulad ng WORLD SLASHER CUP.
Isa pa ring pamantayan ay tibay sa sugat at tapang na kahit ano pa man ay hindi tatakbo o susuko sa laban, Ang tawag dito ay GAMENESS, ito ay mga katangiang ipinamalas ng mga manok ni Tatay Rey. Ang isa pang kapuna-puna ay ang istilo ng laban, mautak magaling umilag at marunong umiwas sa malalakas na palo ng kalaban. Mga katangian ng isang manok na bibilang ng panalo. Ang lahat ng ito, ayon kay Tata Rey, ay dahil na rin sa kanyang pagiging metikuloso sa pagpili ng mga ipapalahi.
Binigyang-diin ni TATA REY na maaaring suwerte lamang siya ng mga oras na iyon kaya siya ang nagwagi subalit ako po ay hindi sumasang-ayon sa kanyang pahayag dahil kitang-kita sa laban ng kanyang mga manok na ang lahat ng bagay ay umayon at naging gabay sa kanyang tagumpay. Tulad ng napakagandang lahi ng mga manok o winning lines, pagkokondisyon, pagpili ng ilalaban, magaling na mananari at mga tauhang nakatutok sa kanilang mga ilalabang manok.
Sabi nga ng isang alamat sa sabong sa si Johnnie Jumper, LUCK IS CLOSER TO THOSE WHO WORK HARD FOR THEIR CHICKENS. Samahan mo pa ng magandang samahan ng bawat isa sa farm, lalong gumagaan ang panalo, ayon kay Tata Rey.
Mahigit 50 taon na ang WORLD SLASHER’s CUP at marami pa rin ang nagbabakasakaling makasungkit ng kampeonato rito dahil ang pagiging kampeon sa paderbing ito ay tulad ng isang boksingerong naging kampeon sa buong mundo. This derby is the most prestigious among all the derbies in the world and winning the WORLD SLASHER Cup is the ultimate dream of every cockfighter, ayon kay Ray Alexander, isang Amerikanong Alamat ng sabong at taon-taon sy sumasali sa paderbing ito na binuo ng PINTAKASI OF CHAMPION, ni Jorge ‘Nene” Araneta, ang anak ni DOn Amado Araneta na nagsimula ng paderbing ito.
Sabi ni Ray Alexander, noon ay napakadaling manalo laban sa mga Pilipino subalit ngayon malayo na ang narating ng sabong sa Pilipinas at hindi mo ba napansin na taon-taon ay wala nang Amerikanong nagkakampeon
Marami nang nagsulputang mga palaban, subalit ‘di maikakaila na ang WORLD SLASHER CUP ang ‘Premiere Cockfighting’ event na taon-taon ay pinaghahandaan ng bayang sabungero. Sabi nga ni Patrick Antonio, 7-time WORLD SLASHER CHAMPION, ang palabang ito marahil ang pinakaprestihiyoso, pinakamasikip at pinakamahirap na pasabong sa buong mundo.
Mistulang daraan ka sa butas ng karayom upang magwagi sa mga laban dito, ani Patrick. Ang bawat manok ay masusing pinili sa daan-daang kandidato at pawang mga alas lamang ang maaaring isabak sa ruweda ng Araneta. Ganyan kahigpit ang labanan kaya muli ang aking pagsaludo sa ating ipinagmamalaking sabungero na taga Masbate, Tata Rey Briones!!.
Isa pong paalala, ang WORLD GAMEFOWL EXPO ay gaganapin sa January 18, 19 at 20, 2019 sa World Trade Center at pagkatapos po nito ay ang WORLD SLASHER CUP1 naman ang susunod sa January 21 to 30, 2019.
Ayon sa PINTAKASI OF CHAMPIONS, ang promoter ng WORLD SLASHER CUP, hindi na po tatanggapin ang mga binabae o hennie sa pasabong na ito upang mabigyan ng parehas na laban ang lahat ng sasali na ayon sa iba, ang hennie o binabae ay may taglay na kalamangan dahil sa nakalilitong kulay nito o kasarian na kadalasan ay ginigirian sa laban….
Maraming salamat po sa pagsubaybay ninyo sa PUSONG SABUNGERO…..
Comments are closed.