NOONG nakaraang linggo, inaprubahan ng Kongreso ang reporma sa buwis upang suportahan ang mga serbisyong panlipunan ng gobyerno at ang mga programa nito sa impraestruktura.
Inihain ang House Bill 4157 o ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) na naglalayong unti-untiin ang pagpapababa ng singil ng corporate income tax (CIT) at gawing mas makatuwiran ang mga insentibo para sa mga negosyo.
Ang CITIRA bill ay ang bagong bersiyon ng Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities (TRABAHO) bill mula sa 17th Congress. Ito ay unang tinawag na TRAIN 2, o ang ikalawang yugto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Ako’y naniniwala na ginagawa ng kasalukuyang administrasyon ang lahat ng kanilang makakaya upang iangat ang kabuhayan ng mga Filipino at upang mas padaliin ang pagnenegosyo sa ating bansa sa pamamagitan ng bagong paraan ng pagbubuwis.
Nais kong sang-ayunan si Buhay Hayaang Yumabong (Buhay) partylist Rep. Jose ‘Lito’ Atienza na ang bagong reporma sa buwis na inaprubahan kamakailan ng kapulungan ay hindi na sana kailangan kung halimbawa, ang Bureau of Commission (BOC), na binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA bilang ahensiyang may pinakamalalang kaso ng korupsiyon sa ilalim ng kanyang administrasyon, ay nakakokolekta ng tamang buwis.
Iminungkahi rin ni Atienza na sa halip na magpatupad ng bagong reporma sa buwis upang makalikom ng sapat na pondo para sa mga proyekto ng gobyerno sa serbisyong panlipunan at impraestruktura, dapat ay pagtuunan na lamang ng pansin ang isyu ng malalang korupisyon sa BOC.
Kung maaalala, noong nakaraang taon, nasa sentro ng pansin ng lahat, partikular na ng media, ang BOC nang makalusot sa mga ito ang isang malaking kargamento ng droga. Bunsod nito ay sinibak ni Pangulong Duterte ang 64 na opisyal at empleyado nito sa pag-asang hihinto ang korupsiyon sa nasabing ahensiya.
Ngunit tila nananatili pa rin sa ahensiya ang korupsiyon sa kabila ng naging aksiyon ng Pangulo.
Hinihikayat ni Atienza si Pangulong Duterte na imbestigahan ang hinihinalang sabwatan sa pagitan ng BOC at ng mga malalaking kompanya sa industriya ng konstruksiyon dahil sa laki ng perang nawawala sa gobyerno bilang resulta nito.
Sinusubukan kong intindihin ang pinanggagalingan nitong si Atienza at ngayon ay napagtanto kong ang tinutukoy pala niya ay ang napabalitang imbestigasyong isinasagawa ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na ang mga dokumentong isinumite ng mga kompanya ng konstruksiyon, partikular na ang pagawaan ng mga bakal ay may mga senyales ng hindi wastong pagdedeklara ng mga inangkat na produkto.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng PACC ang tunay na halaga ng mga inangkat na produkto nitong nakalipas na 10 taon dahil noong mga panahong iyon ay nagkaroon ng malaking pagbaba sa buwis ng mga kompanyang gumagawa ng mga bakal. Ayon sa pinuno ng PACC na si Dante Jimenez, inihahanda na nila ang mga kaso ng tax evasion na isasampa laban sa mga opisyal na pinaghihinalaang may kinalaman sa nangyaring smuggling.
Binanggit din ni Atienza na bagama’t apat na taon na ang nakararaan mula nang maisabatas ang Cus-toms Modernization and Tariff Act, ang inspeksiyon ng mga laman ng mga van na may kargang mga produkto sa ilalim ng Seksiyon 440 ng nasabing batas, ay hindi pa rin ipinatutupad hanggang ngayon.
Ako’y nakikiisa sa nararamdaman ni Atienza. Naiintindihan ko kung bakit tila nawawalan na siya ng pag-asa na ipatutupad ng BOC ang nakasaad sa Seksiyon 440 ng nabanggit na batas. Tila wala kasing interes na malaman kung ano ang mga nilalaman ng mga kargo na pumapasok sa bansa at umaasa na lamang sa mga deklarasyon na isinusumite ng mga mang-aangkat.
Ayon sa mga analista, tinatayang umaabot sa P200 bilyon ang nawawala sa bansa kada taon bunsod ng nangyayaring smuggling.
Sa pahayag ng PACC, ang kabuuang inangkat ng industriya ay umabot sa 9.1 million na tonelada noong nakaraang taon, na may dalang P2.3 trillion na kabuuang halaga ng pag-aangkat sa bansa sa nakaraang 10 taon.
Sa laki ng nasabing halaga, mukhang alam na natin kung saan huhugutin ang kulang na pondo para sa mga proyekto ng gobyerno. Kaya dapat ay imbestigahan sa lalong madaling panahon ang hinihinalang sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng BOC at ng mga malalaking kompanyang pangkonstruksiyon. Malamang ay magmimistulang maliit na kaso ang nabuking na smuggling ng sigarilyo noong nakaraang taon kung saan umabot sa halagang P40 billion ang binayaran ng Mighty Corp. sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa kulang nito sa buwis.
Malinaw na ang malaking halaga ng nawawalang buwis sa bansa ay sapat upang matustusan ang pondong kailangan para sa mga programa ng gobyerno partikular na ang ‘Build Build Build’ program nito. Ito rin ay sapat upang pondohan ang mga proyektong naglalayong solusyonan ang problema ng ating bansa sa transportasyon.
Comments are closed.