NAGDAOS ng protesta kamakailan sa tapat ng isang gasolinahan sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City ang mga demonstrador para kondenahin ang sunod-sunod na pagsipa ng presyo ng langis sa merkado.
Idinaing din ng mga lumahok sa protesta sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), bukod sa pagmahal ng langis, ang pagmahal ng iba pang mga bilihin bunsod ng reporma sa buwis.
Ayon sa isang tricycle driver mula sa Maynila na lumahok sa protesta, delikado na nga siyang mapaalis sa kalsada at mapalitan ng e-trike kapag nag-modernize ang gobyerno, dumagdag pa ang pagmahal ng petrolyo.
Hindi rin napigilan ng tricycle driver na maglabas ng sama ng loob laban kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga umano’y napakong pangako.
“Hindi naman niya pinatay ang kahirapan, pinatay niya ‘yong mamamayan, mga mahihirap,” pahayag niya. “Binoto ko ‘yon, kinampanya ko nga nang libre ‘yon e.”
Bukod sa mga demonstrador, iginiit din ng mga nakapanayam na motorista na ramdam din nila ang pagmahal ng mga bilihin at petrolyo.
“May magagawa ba tayo? Wala naman tayong magagawa e,” dalamhati ng isang motorista. “Tanggapin na lang natin nang maluwag.”
“Dati P150, napu-full tank, ngayon ‘di na kaya, halos mangalahati,” sabi ng isa ring motorista. “Mag-commute na lang,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, nag-anunsiyo rin nitong Lunes ang mga kompanya ng langis na magkakaroon ng dagdag sa presyo ang kanilang mga produkto simula kahapon.
Nasa P1.60 anila ang dagdag sa kada litro ng gasolina, P1.15 sa kada litro ng diesel, at P1 naman sa kada litro ng kerosene.
Noong nakaraang linggo naman ay P1.10 ang dagdag sa kada litro ng gasolina habang P1.20 naman ang itinaas ng kada litro ng diesel.
Ipinaliwanag naman ni Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau, na hindi mapipigilan ng gobyerno ang pagmahal ng langis kung dulot ito ng pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado.
May nakatakda ring mga protesta sa mga susunod na araw sa mga tanggapan ng tatlong malalaking kompanya ng langis sa bansa, tanggapan ng Department of Energy, at Mendiola sa Maynila.
Comments are closed.