PAGSUGPO SA KRIMEN SA REGION 4A PAIIGTINGIN

LAGUNA- PAIIG­TINGIN ng Philippine National Police Regional Office 4A (PNP PRO IV-A) ang kani­lang mga inisyatiba para sa kapayapaan at seguridad sa CALABARZON.

Ito ang inihayag ni  Police Regional Office 4A Regional Director PBGEN Paul Kenneth T. Lucas sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas sa Camp Gen. Vicente P Lim, Calamba City nitong Lunes.

Ani Lucas, pangunahing inisyatiba nila ay ang paglulunsad ng P.O.W.E.R Services App na nag-aalok ng mga tip sa pag-iwas sa krimen, gabay sa legal na karapatan at mga payo ukol sa cybercrime upang mapabuti ang kalagayan ng pamayanan.

Ibinida rin ng PNP ang pag-deploy ng Blue Cops In Mobile Substation On Wheels, isang 24/7 mobile substation na nagsisilbing mini tactical operation center para sa crisis management at emergency coordination.

Layunin nito na palakasin ang community policing at pag-iwas sa krimen sa pamamagitan ng mas aktibong pagpapatrolya at mas nakikitang presensya ng pulisya.

Sa ginawang pagpupulong sa Kapihan, ibinahagi rin ang pagbaba ng 7.29% sa kabuuang bilang ng krimen sa buong rehiyon na nagresulta ng matagumpay na kampanya ng PNP laban sa krimen, kung saan 7,797 na operasyon ang naisagawa na nagresulta sa pag-aresto ng 9,952 na tao, kabilang ang 847 high-value targets.

Ito rin ang resulta ng pagsisikap ng PRO4A upang  maideklarang Drug-Free Workplace na nagpakita ng kanilang tagumpay sa kampanya laban sa droga.

SID SAMANIEGO