NILINAW ni Trade Secretary Ramon Lopez na hindi pa required sa ngayon ang pagsusuot ng face shield laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Sinabi ng kalihim na tanging panghihimok pa lamang ito dahil pinag-aaralan pa ng Inter-Agency Task Force (IATF) na gawing requirement ang face shields kapag lumalabas ng bahay.
Gayunman, hindi malayong gawin itong mandatory sa hinaharap kung kakailanganin pa ng dagdag proteksiyon tuwing nasa pampublikong lugar.
Batay pa sa pag-aaral, ang face shield ay maaaring makapagpigil ng 99 porsiyento ng potential transmission lalo na kapag ginamit kasama ng face mask.
Ayon naman kay Presidential spokesperson Harry Roque, ang pagsusuot ng face shield ay “highly recommended” bilang bahagi ng “minimum health standards” para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
“Magkakaroon po tayo ng stringent enforcement of minimum health standards. Ito po ‘yung hugas kamay, suot ng mask at social distancing, at pagsuot na rin… ng face shield,” dagdag ni Roque.
Ang pahayag ni Roque ay ginawa sa pulong kay Pangulong Rodrigo Duterte at ilang Cabinet officials.
Comments are closed.