PREPARADO na ang Philippine National Police (PNP) para sa Araw ng Paggawa o Labor Day, bukas, Mayo 1.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, nakalatag na ang direktiba ni PNP Chief, Gen. Benjamin C. Acorda Jr. gaya ng mga hakbang na gagawin para matiyak ang kapayapan sa nasabing pagdiriwang.
Katunayan, nasa 18,000 na pulis ang ide-deploy sa mga istratehikong lugar sa buong bansa na siyang magpapatupad ng katiwasayan at kaligtasan.
Prayoridad na popostehan ng mga pulis ang mga designated freedom parks na inaasahang tutunguhin naman ng mga raliyista, mga pagunahing kalsada, transportation hubs at iba pang matataong lugar.
“More or less ay magdedeploy tayo ng mga 18,000 policemen nationwide na yan at kasama sa mga babantayan natin ay ‘yung mga designated freedom parks kung saan pupuwede sila magsagawa ng kanilang mga rally and other activities related to Labor Day celebration at siyempre ‘yung ating major thoroughfares at yung ating mga transportation hubs, “ ayon kay Fajardo.
Kinumpirma naman ni Fajardo na hindi sila magtataas ng alerto at ito ay nasa normal level lamang na routinary monitoring.
Gayunman, ipinauubaya na sa mga regional directors, unit and field commanders kung kinailangang itaas ang alerto sa kanilang nasasakupan kapag may malaking untoward incident na naganap habang nakamonitor naman ang PNP Command Center na nakabase sa Camp Crame.
“Hindi tayo nagtaaas ng ating alert level. This will be a normal alert but just the same yung ating mga regional directors and other field commanders will have the discretion na magtaas ng kanilang mga alert level depending on the current peace and order situation sa kanilang mga areas but definitely on the part of the NHQ ay magmomonitor sa mga kaganapan nationwide,” dagdag pa ni Fajardo.
Samantala, dahil inaasahan ang rally kapag sumasapit ang nasabing okasyon, ay pahihintulutan naman ito hangga’y mayroong permiso sa local government kaya babantayan rin ang mga lugar kung saan ang mga ito isasagawa kasabay naman ng direktiba ni i Acorda na ipatupad ang maximum tolerance at huwag lalabag sa karapatang pantao.
“Ang kabilin bilinan ng ating Chief PNP (Acorda) ay we exercise maximum tolerance at yung ating paramount consideration ay respect for human rights and freedom of expression and speech,” diin pa ni Fajardo.
EUNICE CELARIO