Iwasan sa pamamagitan ng simpleng mga paraan
(NI: CT SARIGUMBA)
NAPALALAKAS nga naman ang kain ng marami kapag malamig ang panahon. Maya’t maya nga kasing kumakalam ang ating sikmura’t naghahanap tayo ng mangunguya.
Isa rin ang malamig na panahon sa nagiging dahilan kaya’t nadaragdagan ang timbang ng kahit na sino.
Dahil diyan, narito ang ilang simpleng tips para maiwasan ang pagtaba lalo na kapag malamig ang panahon:
PLANUHIN ANG KAKAININ SA MAGHAPON
Nang maiwasan ang pagkain ng kung ano-ano sa maghapon, mainam kung paplanuhin na ang lulutuin. Kung nakaplano rin kasi ang kakainin o lulutuin para sa buong pamilya, bukod sa mas mapasasarap ito ay makapag-iisip ka ng paraan kung paano gagawing healthy ang ihahanda.
Maraming maiinit na pagkain ang puwedeng subukan lalo na kapag malamig ang panahon nang maghinhawaan ang pakiramdam. Pero hindi natin masasabing ang lahat ng pagkain ay swak kahiligan. Marami riyan ang maaaring maging dahilan ng pagdaragdag ng timbang lalo na kung maya’t maya kung kumain o kaya naman, hindi naging mapili sa kinakain.
isang recipe na tiyak na maiibigan ng buong pamilya ay ang mga masasabaw na pagkain. At kung gagawa ng soup o sabaw, siguraduhing gulay ang pangunahing sangkap nito.
MAGHANAP NG HEALTHY VERSION NG PABORITONG PAGKAIN
Pagdating nga naman sa pagkain, napakarami nating gusto. Madalas pa naman sa kinahihiligan nating pagkain ay hindi mabuti sa katawan gaya na lang ng junk food.
Pero imbes na junk food ang kainin, mainam kung maghahanap ng healthy version nito. Gaya ng mga baked sweet potato chips, sweet and spicy apple chips at zucchini chips.
REGULAR NA PAG-EEHERSISYO
Hindi nga naman maitatangging ang laki ng naitutulong ng regular na pag-eehersisyo upang ma-maintain ang hubog ng katawan.
Kaya’t ugaliin ang pag-eehersisyo kahit pa sobrang abala.
HUWAG LALABAS NG BAHAY NANG GUTOM
Marami sa atin na sa kamamadali, hindi na nagagawa pang kumain. Kaya tuloy ang nangyayari, napararami ang kain natin dahil sa sobrang pagkagutom.
Bukod sa napararami ang kain, masama rin ang pag-skip ng meal.
Kaya kung ayaw mong maparami ang kain na maaaring humantong sa pagdaragdag ng timbang, huwag lalabas ng bahay nang walang laman ang tiyan. Lalo na kung ang pupuntahan ay party.
PILIIN ANG HEALTHY SNACKS
Hindi rin nawawala sa atin ang pagkain ng snacks o merienda. Hindi nga naman puwedeng dumaan ang isang araw nang tatlong beses lang tayong nakakakain. Kailangang sa pagitan ng bawat meal, nakapagmemeriyenda tayo.
Sa usapang merienda naman, piliin ang mga healthy nang mapanatili ring mabilis ang metabolism. Sa pagkain din ng healthy snacks ay naiiwasan din ang paghahanap ng mga pagkaing matatamis, matataba at maaalat.
UMIWAS SA ALCOHOL
Hangga’t maaari rin ay iwasan ang alcohol dahil nagtataglay ito ng calories. Pero kung hindi naman maiiwasan ang pag-inom ng alcohol lalo na kung may handaan o pagtitipon, makatutulong upang ma-dilute ang calories sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig bago at matapos ang pagsasaya.
Hindi natin maiiwasang mapakain ng marami lalo na kung malamig ang panahon. Pero kung magiging matalino tayo’t madiskarte, hindi madaragdagan ang ating timbang lalo na kung susundin natin ang ilang payong ibinahagi namin.
Masarap ang kumain. Pero mas masarap sa pakiramdam ang pagkain ng healthy. (photos mula sa runnersworld.com, ny-post.com)