IGINIIT ni Iloilo City Rep. Julienne Baronda ang agarang pag-apruba sa panukalang pagtatalaga ng mga barangay health worker sa bawat barangay at pagpapalawig din sa mga benepisyong natatanggap ng mga ito.
Tatalakayin na sa technical working group sa ilalim ng House Committee on Local Government ang mga panukalang inihain sa Kamara kaugnay sa mga barangay health workers para pagsamahin at pagisahin.
Ayon kay Baronda, malaking papel ang ginagampanan ng barangay health workers sa mga komunidad lalo pa’t maraming doctors at nurses ang umaalis ng bansa.
Aniya, ang mga nasabing health worker ang katuwang sa bawat barangay para makapaghatid ng health services ang gobyerno sa kabila ng kawalan ng maayos na benepisyo.
Sa ilalim ng House Bill 1557 ni Baronda, inaatasan ang LGU ng pagtatalaga ng hanggang limang barangay health workers sa bawat barangay sa buong bansa na dumaan naman sa accreditation ng local health board.
Tulad sa ibang barangay officials ay makatatanggap din ng benepisyo, incentives, allowances at titiyakin ang security of tenure ng mga barangay health workers.
Ang panukalang ito ay salig na rin sa Universal Health Care Law na tumitiyak sa pagbibigay ng mabilis, abot-kaya at accessible na serbisyong pangkalusugan.
Comments are closed.