PAGTALAKAY SA PRANGKISA NG ABS-CBN SISIMULAN NA

SEN GRACE POE

SISIMULAN na ni  Senate Committee on Public Services chairman Grace Poe ang pagtalakay sa prangkisa ng ABS-CBN.

Ayon kay Poe, sa halip na oversight hearing lamang tungkol sa mga diumano’y paglabag ng network sa terms ng kanilang prangkisa ang diringgin, nagdesisyon ito na mismong legislative franchise bill na ng network ang pag-uusapan.

Aniya, ang resulta rin naman ng magiging oversight hearing ang magiging basehan kung aaprubahan ba nila o hindi ang prangkisa ng network.

Nilinaw ni Poe, maaa­ring dinggin ng komite ang legislative franchise kahit pa wala pa itong counter part na panukala mula sa Kamara.

Anang senadora, gaya ng ibang panukalang batas na kailangan nang ipasa, maaari namang maging sabay ang pagdinig ng Senado at Kamara.

Inihalimbawa nito, ang ginawa sa pagtalakay sa General Appropriations bill (GAB) at sa TRAIN law noon.

Binigyang-diin ni Poe, ang hindi lang maaaring gawin ng kanyang komite ay magsumite ng committee report tungkol dito hanggang walang report mula sa Kamara.

Gayunpaman, aminado ang senadora na wala rin mangyayari sa magiging resulta ng kanilang pagdinig hanggang walang pagkilos mula sa Kamara, subalit ang mahalaga ay ang maisiwalat at maipaunawa sa taumbayan ang mga isyu. VICKY CERVALES

Comments are closed.