IPAGBABAWAL ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtambay at kuwentuhan sa lugar na pagdarausan ng botohan sa halalan sa 2022 upang mabawasan ang peligro ng hawahan sa COVID-19.
Sinabi ni Comelec Deputy Executive Director for Operations Teopisto Elias Jr., tutulong ang puwersa ng pulisya at mga sundalo sa pagsasaayos ng pila ng mga boboto.
“Unlike before ‘yung experience natin, bago boboto, nag-kumpol-kumpol pa, nagchi-chismisan pa, nagkukuwentuhan pa inside the voting center. This time, we will not allow it to happen,” pahayag ni Elias sa forum na inorganisa National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel).
Mayroon ding mga COVID-19 safety protocols na naka-assign sa voting centers para matiyak na walang tatambay na mga botante.
Samantala, naglabas ang Comelec ng listahan ng mga gagawin sa araw ng botohan sa Mayo 9, 2022.
Kabilang dito ang temperature checks sa bukana ng lugar ng botohan, hiwalay ang labasan at pasukan, may health stations at holding areas, maglalagay ng plastic sa pagitan ng electoral board at botante, dapat may face masks, physical distancing, at hand sanitation.
Sampu hanggang 15 botante lang ang papayagan sa loob ng polling place sa bawat grupo ng boboto. Pero depende pa rin ito sa laki o liit ng pagdarausan ng botohan.
Magsisimula ang botohan ng alas-6:00 ng umaga at matatapos ng alas-7:00 ng gabi.