PAGTANGGI SA BAKUNA HUWAG ISISI SA PAO

HINDI  dapat isisi sa isinagawang imbestigasyon ng Public Attorney’s Office (PAO) sa umano’y Dengvaxia-related deaths ang pagtanggi na ng ilang magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Sa isang pulong balitaan kahapon, sinabi ni PAO Chief Atty. Persida Rueda-Acosta na hindi naman siya ang nag-manufacture ng Dengvaxia kaya’t hindi siya ang dapat na sisihin sa isyu.

“Ako daw po ang dahilan ng takot ng mga tao, ako raw ang sumira ng healthcare.  Excuse me, hindi po ako ang nag-manufacture ng Dengvaxia,” aniya pa.

Nilinaw rin naman ni Acosta na Dengvaxia lang ang pinag-uusapan at iniimbestigahan nila at wala silang pagtutol sa ibang bakuna na napatuna­yan naman na mabisa sa mga nakalipas na panahon.

Ikinuwento pa ni Acosta na siya at ang kanyang mga anak ay sumailalim sa kumpletong vaccination programs.

“Wala po kaming problema sa ibang bakuna.  Ang naging problema po itong mass vaccination (ng Dengvaxia), na indis-criminate, walang screening, blood test, lab tests, o urinalysis man lang,” dagdag pa niya.

Matatandaang una nang iniulat ng Department of Health (DOH) na nagkaroon ng measles outbreak sa Zamboanga, Davao, at Taguig na bunsod umano ng takot ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak dahil sa isyu ng Dengvaxia na hinihinalang sanhi ng kamatayan ng may 80 katao.                ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.